THOUSANDS OF FREE BLOGGER TEMPLATES

Sabado, Agosto 16, 2008

Noon at Ngayon

Inday: ...at ang nakalaang katanungan para sa iyo; kung ika'y bibiyayaang mabuhay muli at mabibigyan ng pagkakataong makapili, sino ka at bakit?



Hindi maikakailang nakaririndi sa pandinig ang katanungang ito dahil na rin marahil sa walang-sawang paggamit nito sa mga paligsahan. Ang pinakamasugid na yatang gumagamit nito'y yaong mga kritikong nagtatanong sa mga magaganda at matatalinong dilag sa labanang kung tawagin sa Ingles ay beauty pageant. Sa tuwing naririnig ko ang katanungang ito, napag-iisip ako kung kailan ako nabuhay. Paano naman kasi, kung ihahalintulad ko sa buhay, ang katanungang ito'y payak lamang subalit 'ni pangit na kasaguta'y wala akong maibigay.

Ang pinakabantog na kasagutang madalas naririnig ay ang award-winning na "Wala akong babaguhin sapagkat sapat na sa akin ang ipinagkaloob ng Poong Maykapal; sapat nang ako'y ako." Nosebleed!--ika nga. Mapapahiyaw ang mga manonood bunsod ng kanilang paghanga. Hindi pa man natatapos ang nakatitindig-balahibo't ala tele-nobelang kasagutan ng kandidata ay tatanghalin na itong panalo.

Napakalaking karangalan na siguro ang mabuhay sa nakaraan. Lubos na mahirap, magulo, masakit, madugo at lahat na yata ng mga masasamang "ma" sa mundo ay nagkumpul-kumpol na sa obra ng nakaraan. Ito; ito ang tumpak na mga dahilan kung bakit ibig kong mabuhay sa nakaraan. Walang libro, wika, kultura, sayaw o musika ang tunay na makapagsasabi sa tunay na kalagayan ng ating mga ninunong nagsumikap upang mapaginhawa ang ating buhay at makapagpaparamdam sa tunay nilang saloobin.

Kung ako'y mabubuhay sa nakaraan, mapaglilingkuran ko kahit papaano ang mga taong nagkaisa upang ipaglaban ang ating bayan at ako'y magkakaroon ng pagkakataong lumaban kasama sila; makidalamhati sa mga pagkakataong kailangan nila ng karamay sa mga pighati ng kanilang buhay; at makisaya sa mumunting labanang naipapanalo nila sa araw-araw nilang pakikidigma sa buhay. Ang makasama sila at mamuhay gaya nila ang tunay na makapagpapamulat sa akin sa kung ano ang katotohanang kanilang kinagisnan. Ito'y maihahalintulad sa wika; ang taong ibig matuto ng wikang banyaga, kailanma'y hindi makapapantay sa taong angkin ang nasabing wika kahit pa siya'y turuan ng pinakamagaling na guro. Maaaring siya'y maging bihasa subalit hindi maiwawaglit ang katotohanang mayro't-mayroon pa ring mga bagay-bagay na hindi niya lubos mauunawaan sa pagbabasa lamang. Ang bawat wika ay natatangi. Ito'y bunga ng madamdaming kuwento ng isang bayan. At ang tunay na makauunawa nito ay ang mga taong iniluwal ng bayang nagmamay-ari rito. Tulad na lamang ng unti-unting pagmamahal ng isang ina sa kanyang inampong anak at ng ampong anak sa kanyang bagong ina, ang mga banyagang nakatira roon ay napapamahal na rin at nagiging tunay na anak na ng wika.

Sabihin mo nga sa akin? Paano mo mararamdaman ang pakiramdam ng pakiramdam ng 'di mo pa nararamdaman? Magmamahal ka ba gayong hindi ka pa naman nakararamdam ng pagmamahal? Sabihin nating ika'y wala pang kamuwang-muwang sa buhay at hindi ka pa nakadarama ng pagmamahal at may nakita kang pamilyang nagpapakita kung ano ang tunay na pagmamahal, maiintindihan mo ba at magmamahal ka na rin ba 'agad sa isang tinginan lang? Hindi ba't natuto kang magmahal hindi dahil sa pagmamahal na ipinakita ng iyong mga magulang kundi dahil sa ipinaramdam nila?

Paano natin lubos na maiintindihan ang nakaraan na para bang tayo ay sila at sila ay tayo kung kailan ma'y hindi pa natin nararanasan ang kanilang pinagdaanan at hindi pa natin nadaramang tayo nga'y sila? Sa aking munting kaalaman ukol sa kanila, hindi ko pa rin lubos na maunawaan at mapahalagahan ang kanilang mga nagawa. Hindi ba't lubos ang iyong pagdadalamhati kung ikaw ang nawalan kaysa sa iyong pagdadalamhati kung iba ang nawalan? Kung mas nagdurugo ang iyong puso kapag ika'y nakakarinig ng balitang nasunog ang bahay ni Mang Hkrrgdhkdcmrgvfd kaysa sa pagkasunog ng sarili mong bahay (maliban na lamang kung sakit na 'yan), aba'y hindi na ako magpapakita pa.

Kung pipiliin ko ang mabuhay ngayon kaysa noon, hindi ko lubos na mapapahalagahan ang kanilang mga nagawa at hindi ko malalaman ang katotohanan sa tunay kong pagkatao at kung sino nga ba ako. Paano mo malalaman ang tunay mong pagkatao kung hindi mo alam ang naganap sa iyo noong unang tatlumpu'ng taon ng iyong pagkabuhay at ang tanging alaalang naiwan sa 'yo yaong sa kasalukuyan lamang!

Ang tunay na simula ng kabanata ng ating buhay bilang mga Pilipino ay nangyari noon. Isang napakalaking karangalan ang makita ang pangyayaring iyon; kung gaano katatag ang kanilang paninindigang itaguyod ang kanilang pagiging Pilipino; kung paano sila namuhay; kung paano nila pilit ipinaglaban ang napipinto nating kalayaan. Isa ring napakalaking karangalan ang matulungan sila; maging bahagi ng kanilang buhay at instrumento ng reporma. Maaari nga'ng ang mabuhay ngayon ay tama ng tulong sa kanila sapagkat ang maipagpatuloy natin ang kanilang nasimulan ang adhikaing naghimok sa kanilang lumaban, ngunit hindi kaya mas magandang pakinggang kasama natin silang itinaguyod ang simulain para sa kalayaan? Na kapit-kamay natin silang sinamahan sa pakikipaglaban? Na walang takot nating hinarap ang kamatayan? Na kahit sa pagkakataong iyon lamang, naramdaman natin ang pagkakaisa ng mga Pilipino? Na kahit papaano'y naibsan natin ang kanilang paghihirap at lubos nating naintindihan ang mithiing nagbubuklod ngayon sa atin?

Maipagpapagpapalit ko ang aking buhay para sa nakaraan upang maigugol ko ito sa munting paglingkod at pagtulong sa kanila; maibsan lamang ang kanilang pasakit at ang kanilang pasanin. Ikaw? Kung ika'y bibiyayaang mabuhay muli at mabibigyan ng pakakataong makapili kung sino ka at kung bakit, ano ang isasagot mo kay Inday?

1 comments:

SupheriA Lee ayon kay ...

Ako'y humahanga sa kakayanan ninyong lumikha ng makahulugang blog. Ang pagsulat ay malaki ang iginanda simula ng mag-umpisa kayo. Ngayon nakikita ko ang makulay na konsepto ng inyong grupo, alam ko rin na ipinagmamalaki ninyo ang inyong nagawa. Kaya para sa napakagaling na entry na ito, binibigyan ko kayo ng markang 20/20 o 1.0!