THOUSANDS OF FREE BLOGGER TEMPLATES

Huwebes, Oktubre 9, 2008

Pagkatapos ng Digmaan

PAMBUNGAD



Kapag nababanggit ang salitang Leyte, napapa-isip agad ang tao patungkol kay Imelda Marcos at ang Sto. Niño. Banggitin man din ang salitang Tacloban at iyon pa rin ang ideya nila sa lugar na ito. Malaki ang naging impluwensya ni Imelda Marcos at ng pamilya Romualdez sa lungsod ng Tacloban kaya naman hindi maaalis sa ating isipan ang mga bakas na naiwan nila dito.

Si Imelda ay ipinanganak at lumaki sa Tacloban at dito, tinanghal siyang “Rose of Leyte.” Hindi naglaon ay naging Unang Ginang siya ng Pilipinas. Ito ang nagbigay daan upang makilala ang lungsod ng Tacloban at kung bakit ipinagawa ang Sto. Niño Shrine.

Makikita nating ang Sto. Niño Shrine ay matatagpuan lamang sa kahabaan ng Real St., Tacloban City. Isa ito sa mga pinaka-abalang kalye ng lungsod sapagkat maraming motorista ang dumadaanan dito papunta sa kani-kanilang mga trabaho at paaralan. Dahil sa halos araw-araw na paglalakbay ng mga tao sa kalsadang ito, hindi na masyadong napapansin ang kagandahan at kahalagahan ng Sto. Niño Shrine. At kung tatanungin ang karamihan sa mga Taclobanon kung nakapasok na ba sila rito, marami sa kanila ang magsasabing ni minsan ay hindi pa nila ito napuntahan. Hanggang tingin na lamang sila sa labas ng Sto. Niño Shrine. Nakalulungkot mang isiping ang mga turista pa na nagmula sa malalayong lugar ang nagkakaroon ng pagkakataong makapasok dito samantalang ang mismong mga Taclobanon na may pribelehiyong makabisita kahit anong araw gustuhin ay hindi makabisi-bisita.

Nandito ang pangkat namin upang maipakita sa karamihan ang kagandahan ng Sto. Niño Shrine. Sana ay mamulat kayo sa kahalagahan ng makasaysayang lugar na ito at magkaroon ng pagkakataon na ito'y mabisita.

Imahe Ng Sto. Niño

Ipinagdiriwang taun-taon ng mga Taclobanon ang Pintados para magbigay pugay sa patronahe(patron saint) nito, si Sto. Nino.

Noong panahon, ang lungsod ng Tacloban, na kung tawagin noon ay "Kankabatok" ay nasa ilalim pa ng Buscada sa Basey, Samar. Bagaman mayroong imahe ng Sto. Nino ang Tacloban, maliit lamang ito kung ikukumpara sa imahe sa Buscada. Nang umunlad ang Tacloban ay napagpasyahan ng mga namamahala sa Buscada na ipagpalit ang kanilang imahe sa Tacloban kaya kilala ang 'Balyuan Tower' dahil dito nagpalitan ang Kankabatok at Buscada ng mga imahe.

Ang imahe na noon ay nasa pag-aari ng Buscada na ipinagpalit nila sa Kankabatok ay ipinadala sa Maynila upang pagandahan ito para sa paghahanda sa fiesta sa Tacloban noong Enero 1889. Pero ng pabalik na ito sa Tacloban ay nasunog ang bangka kung saan nakasakay ito. Nawala ito ng halos isang taon kaya sinasabi ng mga Taclobanons na sa panahong ito ay madalas na umuulan ng malakas. Natagpuan ito sa Mindoro na nasa kamay ng mga pagano.

Nabalik din ito sa Tacloban noong Hunyo 1889 at dito nangyari ang isang miraculo. Dahil sa mga panahong ito ay maraming may sakit na cholera. Nang nabalik ang imahe ni Sto. Nino ay nawala ang mga sakit ng mga taong pumunta upang idiwang ang pagbabalik ng imahe ni Sto. Nino. Ngayon, ang imaheng ito ay nasa Sto. Nino Church at maraming tao ang pumupunta dito. At may isang pang imahe ni Sto. Nino na nasa Sto. Nino Shrine ngayon.

Sto. Niño Shrine

Sariwain Natin Ang Nakaraan

Ang Sto. Niño Shrine ay matatagpuan sa lungsod ng Tacloban sa Leyte. Ito ay isa sa mga bantog at magagandang tanawing sinasadyang puntahan ng mga turista. Hindi lang ito basta tanawin lamang dahil lingid sa kaalaman ng marami, taglay nito ang ilan sa mga pahina ng ating kasaysayan. Dito nanirahan ang pamilya ng unang ginang ng dating pangulo ng Pilipinas na si Ferdinand E. Marcos na si Imelda Romualdez Marcos. Ang pamilya nila ay isa sa mga maiimpluwensiyang pamilya noong panahon ng Batas Militar. Ang Sto.Niño Shrine ay ipinagawa ni Pangulong Marcos noong dekada 80 para sa kaniyang kabiyak na si Imelda Romualdez na sa lungsod ng Tacloban isinilang. Ayon sa gumagabay sa mga turista, hindi umano museum o chapel ang lugar na ito. Ipinagawa lamang ito upang magsilbing pampersonal na altar ni Imelda. Kahanga-hanga! Ang lugar na sa mata nati'y parang museo ay mistulang altar lamang sa mata ng mga Marcos!

Sa bakuran ng gusaling ito ay makikita ang imahe ng Sto. Niño. Pagpasok na pagpasok pa lamang, mabibighani ang sinumang makakakita ng mga antigo at magagarang kagamitan doon. Ang mga ito ay nagmula pa sa iba’t-ibang parte ng mundo. Ang iba sa mga ito ay ang elepanteng yari sa ivory;ang malaking salaming gawa sa Austria na matatagpuan sa unang palapag ng gusali; ang mga imahe ng unang ginang na si Imelda; ang malaking “Family Tree” ng pamilya Romualdez at Marcos na umabot hanggang sa ikalawang palapag; ang istatwa ni Confucius; ang mga upuan na gawa sa stainless noong ika-dalawampu’t limang anibersaryo ni Ferdinand at Imelda; ang dalawang naglalakihang mesa; mga larawang ginawa ni Ferdinand na nilagdaan niya; at ang “study table” ni Ferdinand. Mayroon ding rebulto ng Birheng Maria at Sto. Niño sa loob ng Sto. Niño Shrine. Ang rebulto ng Birheng Maria ay galing pa sa Italia.

Kung ibig mong malaman kung paano namuhay ang pamilya Marcos, hindi mo na kailangan pang basahin ang nakakabagot at pang-maalaala-mo-kaya nilang istorya sa mga makasaysayang libro. Pumunta ka lamang sa Sto. Niño Shrine at mararamdaman mo kung paano sila namuhay noong panahong nakaluklok pa sila sa panunungkulan.

Kahit na tinanghal nang shrine ang "pampersonal na altar" ni Imelda, hindi pa rin maramdaman ng tao ang pagiging malapit nito sa Diyos. Tanging mga turista lamang ang atat na atat na makita ang napakagarbong "altar" ni Imelda. Bagamat kahanga-hanga ang mga bagay na nakapaloob dito, sinasalamin pa rin nito ang payak na pamumuhay ng mga taong nakapaligid dito.

Sabado, Setyembre 13, 2008

Pluma

Kung maiikot lamang ang oras noong panahong bumisita si Dr. Pio Valenzuela sa Dapitan upang kausapin si Rizal tungkol sa rebolusyon at ipinagkaloob ng Poong Maykapal na sa oras na iyon ay ako ang papalit sa posisyon ni Rizal, wala akong hahalinhan sa kanyang sinagot. Sa maikling sabi, hindi ako sasang-ayon sa rebolusyong ibig nilang pangunahan kung ang ibig sabihin naman ng rebolusyung iyon ay pagsugal ng napakaraming buhay sa isang digmaang wala naman silang laban at walang katiyakan ang kalalabasan.


Sa puntong iyon, hindi pa handang makipaglaban ang mga Pilipino. Kulang ang kanilang armas at hindi nila kayang puksain ang mga Espanyol gamit ang bolo lamang. At naniniwala akong maaaring makamtan ang kalayaan ng hindi nagbubuwis ng napakaraming buhay. Ang mga buhay na iyon ay naging bahagi sana ng mas malaki pang karangalang makapagbabago at makapagpapabilis ng pag-unlad ng ating sibilisasyon. Malaya nga tayo ngayon, bunsod na rin marahil ng mapangahas na rebolusyong naganap noon; subalit, kung titingnan natin ang ating sitwasyon, hindi pa tayo tunay na malaya. Hindi pa natin kamit ang kalayaang matagal na nating inaasam-asam sapagkat wala pa rin ang pagkakaisang magbubuklod sa atin. Hiwa-hiwalay pa rin tayo at tulad ng dati, may sari-sariling mga grupo. Pilit nating hinahanap-hanap ang kalayaan ngunit pilit naman nating pinagpapangkat-pangkat ang ating mga sarili. Kahit saan ka man magpunta, hayag ang hindi pagkakabigkis nating mga Pilipino. Ang mga pangyayaring nagaganap ngayon sa timog bahagi ng ating bansa ang magpapatotoo sa nakalulunos na katotohanang ito. Patuloy ang pakikipagsapalaran ng ating mga Muslim na kababayan. Ilan kasi sa kanila ay umaayon sa pakikiisa sa gobyerno at ilan naman ay tumututol.

Tulad ni Rizal, malakas ang pananalig ko sa kapangyarihan ng edukasyon. Hindi dahas ang susi sa kalayaan kundi edukasyon. Ang tunay na kalayaan ay hindi matatagpuan sa kalayaang nakukuha sa pagkawala ng mga dayuhang may mga dalang armas na parating nakatutok sa kanilang sinasakupan. Ang tunay na kalayaan ay nasa puso, isip at pagkatao. Kahit sakupin man tayo ng buong mundo kung tayo’y malaya sa impluwensya nito, hindi tayo masasakop. Kung sa puso, isip at pagkatao nati'y tayo’y malaya at ramdam natin ang pagiging Pilipino, tayo’y tunay na malaya.

Ngayon, tayo man ay wala na sa matigas na pamumuno ng mga dayuhan sa nakaraan, tayo pa rin ay kanilang sakop. Ang ating gawi ang huhusga sa pagiging alipin pa rin natin sa nakaraan. Kunin na lamang natin ang reaksyon ng makabagong Pilipino kapag naririnig niya ang kanyang mahirap na kaibigang nangangarap tanghaling pinakamayaman sa buong mundo. Ambisyosa!. Ito ang unang salitang maririnig mo sa kanya. Ano’ng masama sa pangangarap? Ang pag-iisip natin ukol sa pagiging hambog kapag tayo’y nangangarap ay umugat sa pag-iisip ng mga Espanyol. Dinungisan nila ang tunay na ibig sabihin ng pangarap upang isipin nating tayo ay mababa at walang karapatang mangarap. Dahil dito, tayo pa rin ay nakakulong sa kanilang bakal na kamay. At taas noo nating ipinagmamalaking tayo ay malaya gayong ang tingin natin sa ating mga sarili ay pawang mga alipin lamang ng mga dayuhan.

Tanungin mo man ang tipikal na Pilipinong ang hilig ay paglalakbay kung anu-ano na ang mga lugar na kanyang nabisita, magugulat ka sa napakarami niyang babanggitin--Roma, Pransya, Amerika...--subalit 'ni isang lugar maliban sa lugar na kanyang kinalakihan ay wala kang maririnig na papuri o kaya'y kahit sambit lamang ng pangalan.

Ilan lamang sa aking binanggit ang napakarami pang katibayang tayo'y sakop pa rin.

Hindi naging epektibo ang pisikal na kalayaang nalikom natin mula sa pakikidigma dahil hanggang ngayon, tayo'y nakakulong pa rin. Nakita na natin ang ibinunga ng paraan ni Bonifacio, gawin naman natin ngayon ang paraan ni Rizal.

Ang Panambitan Ng Isang Rebolusyunaryo

Yaman din lamang at nakatakas tayo sa piitan ng nakaraan, sana’y huwag namang tayo mismo ang magkait sa kalayaang ito at magkulong sa ating mga sarili pabalik sa pinanggalingan nating iyon.

Oo nga’t matagumpay tayong tumalilis sa dilim ng nakaraan ngunit patuloy naman tayong tumatakbo; hindi alam kung saan patutungo; hindi alam kung sa kahuli-hulihan ba’y sa dilim pa rin pala ang hantungan; hindi alam kung kailan titigil sa walang-humpay na pagtatakbong ito.

Ligaw. Tayo ay ligaw sa kagubatang ito. Sino ang mag-aakalang sa bawat digmaan, hindi nagtatapos ang pakikipaglaban sa pagkapanalo ng pula at pagkatalo ng puti. At kung sakali mang makamit ng dalawa ang sariling kalayaan, hindi pa rin natatapos ang pakikipaglaban! Patuloy pa rin ang pakikibaka. Patuloy pa rin ang digmaan.

Pag-aaklas laban sa iba ang tawag sa digmaan noon; pag-aaklas naman laban sa sarili ang tawag sa digmaan ngayon.

Sa pakikidigma sa sarili pumapasok sa eksena ang pinakamamahal nating Inang Bayan, ang Pilipinas.

Pilipinas: aking lupang sinilangan; tahanan ng aking lahi. Ito ang ina’ng kumupkop at patuloy na kumukupkop sa akin kung kaya’t hinding-hindi ko pababayaang mapariwara at pagtakluban ito ng langit at lupa.

Malaya na ang ating bayan. Wala ng Hapon o kaya’y ‘Kano’ng umaabuso rito. Hindi na rin bukambibig ang salitang Indio. Wala na ang tahasang pang-aalipusta at pagmamaliit ng Espanyol. Hindi na rinig na rinig ang alingawngaw ng sigaw na sanhi ng pagmamaltrato at pang-aabuso ng mga Hapon sa mga kababaihan natin. Ngunit ano ba ang katotohanan? Malaya ang ating bayan subalit sa pisikal na aspeto lamang; ito ang katotohanan.

Tayo pa rin ay biktima ng pananakop. Tayo pa rin ay patuloy na hinuhubaran ng identidad. Pilipino nga ang namumuno sa atin ngunit Pilipinong isip Hapon at pusong ‘Kano naman! Pilipinong kaakibat ang panggawi ng mga Espanyol sa kanyang pamumuno! Pilipinong replika ni Aguinaldo! Pilipino nga ang namumuno sa atin ngunit Pilipino lamang dahil may maipapakitang kasulatang siya’y anak ng bayan! Ano ang kaibahan ‘nun sa pamumuno ng dayuhan?

Tayo pa rin ay sakop ng mga dayuhan sa isip at puso. Ang tunay na Pilipino ay siyang taong iaalay lahat at kung maaari pati na rin ang kanyang buhay para sa Pilipinas. Ang tunay na Pilipino’y yaong namumuno hindi para sa sariling kapakanan kundi para sa kanyang bayan. Ang tunay na Pilipino’y ang maka-Pilipinong hindi gagawa ng anumang makasasama at makasisira sa kanyang bayan. Lahat ng kanyang ginagawa ay para sa bayan. Walang sawa niya itong pinaglilingkuran. Bayan. Bayan. Bayan. Ang tunay na Pilipino’y hindi tulad ng mga namumuno sa atin ngayon.

Reporma! Ito ang hinaing ko. Reporma hindi sa gobyerno kundi sa tao. Kahit ilang beses natin palitan ang gobyerno, kung ang mga mamamalakad dito’y mga taong nagtatago pa rin sa anino ng nakaraan, hindi tayo uunlad. Kung magiging tunay na Pilipino lamang ang mga namumuno sa atin ngayon gaya ng tipo ng Pilipinong nabanggit ko, siguradong nakalabas na ang kanilang mga bulsa at payak lamang sila kung mamuhay sapagkat iaalay nila lahat pati na ang kanilang mga sarili, kung maaari, para sa bayan. ‘Panong hindi ito mangyayari kung ang adhikain ng bawat isa sa kanila ay ang mamuno para sa ikauunlad ng bayan at hindi sa ikauunlad ng kanilang mga sarili? Oo nga’t lumalakas ang ekonomiya ngunit hindi naman ito ramdam ng magtataho. Wala pa ring masulyapang pagkain sa hapag-kainan si Mang Juan. Ganoon pa rin ang kakarampot na kitang nakukuha ni Aling Juanita sa kanyang mga trabaho: paglalaba, pagbebenta ng sampaguita, pagtutulak ng kariton, pangangalkal ng basura, pagtatahi at kung anu-ano pang trabahong maaari niyang pasukan.

Tainga lamang pala ang nabubusog sa kwentong umuunlad na tayo. Para sa sikmura, pawang kasinungalingan lamang ang bumubuo sa salitang kaunlaran.

Mayaman ang Pilipinas! Walang hindi nakakaalam sa katotohanang ito. Maraming negosyante ang yumayaman dito, tayong mga Pilipino nga lamang ang hindi. Kaya nga marami-rami ring dayuhang namumuhunan sa mga negosyo rito dahil alam nilang malaki ang kikitain dito. Sino nga ba ang dadayo sa atin kung alam naman niyang wala siyang makukuha at mahirap lang ang bansang ito? Isipin mo nga ang napakaraming Instik na naninirahan dito, hindi ba’t karaniwang mayayamang negosyante ang mga ito?

Ngayon, kung mayaman ang Pilipinas, bakit marami pa ring Pilipinong mahirap? Walang naghihirap na Pilipinong hindi ibubunton ang sisi sa korapsyon. Pati nga mayayaman ay umaalma na sa sistema rito (maliban na lamang ang mga yumayaman dahil sa gawaing ito).

Korapsyon ang puno’t-dulo ng paghihikahos ng milyun-milyong Pilipino. Walang hindi nasaktan sa talim nitong sanhi ng pang-aabuso ng mga taong nakaluklok sa pamumuno ang hindi umaray at umalma laban dito. Nakakalungkot isiping, naging kalakip na ang krimeng ito sa pangaraw-araw na buhay ng napakaraming pinuno at kung minsan, pati na rin ng pinamumunuan.

Malala na ang sakit ng Pilipinas hinggil sa korapsyon. Isa itong sakit na nakahahawang maging pag-aaklas o pakikidigma ay hindi tumatalab. Kung baga sa ano’y gasgas na ang mga paraang ito. Kinakailangan na ng bagong gamot para sa ikagagaling ng bayang ito. Ang lunas? Reporma sa tao.