THOUSANDS OF FREE BLOGGER TEMPLATES

Lunes, Agosto 18, 2008

Alitan sa Pagitan ng Moro at Espanyol


Bago magsimula...
Inatasan ni haring Charles 1, hari ng Espanya, si Ferdinand Magellan, isang Portuguese, na hanapin ang Spice Island sa Karagatang Pasipiko sa pamamagitan ng paglalayag patungong silangan. Mula sa San Lucar, Spain, umalis si Magellan kasama ang humugit kumulang ng dalawang-daan at limampung (250) katao at limang (5) barko noong ika-20 ng Setyembre 1519. Matapos ang ilang buwang paglalayag, noong ika-17 ng Marso 1521, nakakita si Magellan ng isang isla at tinawag niya itong “Archipelago ni San Lazaro.” Ito na ngayon ang tinatawag nating isla ng Samar. Huminto muna sila sa Homonhon, Samar at tumuloy sa Limasawa, Leyte na kung saan ginanap ang kauna-unahang misang Katoliko sa Pilipinas noong ika-31 ng Marso 1521. Naglayag muli sina Magellan patungong timog-kanluran at narating nila ang isla ng Mactan. Ang mga katutubo sa ilalim ng pamumuno ni Rajah Lapu—lapu ay tumanggi sa pakay ng mga banyaga. Nagkaroon ng madugong digmaan na tinawag na “Battle of Mactan” noong ika-27 ng Abril 1521. Natalo ang mga Espanyol dahil sa napatay ni Rajah Lapu-lapu si Magellan.
Matapos ang bigong paglalayag ni Magellan, nagpadala ng mga panibagong ekspedisyon ngunit hindi rin ito nagtagumpay. Dahil sa pagkalugi ng bansang Espanya, nakipagkasundo ang hari ng Espanya sa Portugal sa pamamagitan ng “Treaty of Zaragosa” noong ika-22 ng Abril 1529. Dahil sa kasunduang ito, ang Pilipinas at Moluccas ay naging kolonya ng Portugal. Matapos ang ilang taon, nagpadala ng panibagong ekspedisyon si haring Charles 1 na pinamunuan ni Roy de Villalobos para magkaroon ng permanenteng pananakop sa Islas de Poniente, ang kasalukuyang Pilipinas. Kasama ni Villalobos ang mga paring Augustinian at napadpad sa Saranggani noong 1543. Dahil sa kahirapan ng pinagkukunan ng pagkain at pagiging agresibo ng mga Moro, umalis sila sa isla. Habang sila ay naglalakbay, ang isa sa mga tauhan ni Villalobos na si Bernardo dela Torre ay nagbigay ng pangalang Las Islas de Filipinas sa ngalan ni Philip na tagapagmana sa trono.
Naging hari si Philip noong 1556 at gumawa ng patakaran na dapat sakupin ang mga isla na ipinangalan sa kanya. Inatasan niya si Miguel Lopez de Legazpi na iwanan ang Mexico upang pumunta ng Pilipinas noong Nobyembre 1564 kasama ang isang pari na si Andres de Urdaneta. Sa isla ng Panay sila dumaong noong ika-27 ng Abril 1565 at sinakop ang kalapit na mga isla. Inutusan ni Legazpi si Kapitan Martin de Goiti na sakupin ang Maynila sa isla ng Luzon.

Ang simula...
Si Rajah Sulaiman Mahmud and Rajah Matanda ang tagapamahala ng Maynila na ngayon ay Fort Santiago habang si Rajah Lakandula naman sa Tondo. Noon pa man ay mayroon na talagang alitan at pagkamuhi sa pagitan ng mga Espanyol at Muslim dahil ito sa “Fall of Granada” noong 1492. Ang digmaan ng Bangkusay ay naganap noong ika-3 ng Hunyo 1571. Namatay si Rajah Sulaiman, ang pinakahuling tagapamahalang Muslim sa Maynila. Ang pagkamatay niya ay ang simula ng malawakang pananakop ng Espanyol sa Luzon at Visayas sa loob ng labing-isang (11) taon at pinagharian ng Espanya sa loob ng humigit kumulang ng tatlong-daan at dalawampu’t pitong (327) taon.
Ang digmaan sa pagitan ng Moro at Espanyol ay nagsimula noong 1578 pagkatapos ng kampanya ng mga taga-Brunei at sinundan pa ito ng digmaan sa Sulu na ang kalaban ng mga Espanyol ay si Sultan Buddiman Pangiran. Ang mga Espanyol at iba pang mga banyaga na mayroong interes sa Pilipinas ay iniiwasan ang puwersa ng mga Moro. Inutusan ni Gobernador-Heneral Francisco de Sande si Kapitan Esteban de Figueroa na talunin ang mga Moro. Nong ika-1 ng Abril 1596, narating ni Figueroa ang Tampakan sa Maguindanao. Pinangunahan nina Rajah Silongan at Datu Obal ang puwersa ng mga Maguindanaon. Nagkaroon ng isang madugong digmaan sa pagitan ng dalawang puwersa. Nahati sa dalawa ang ulo ni Figueroa sa pamamagitan ni Datu Obal. Kaagad na umalis patungo ng Maynila si Juan de Lara matapos mamatay si Figueroa. Alam ng mga Moro na maghihiganti ang Espanyol. Taong 1599, sinulong ng mga Moro ang teritoryo ng mga Espanyol at nabihag nila ang paring Jesuit na si Melchor Hurtado. Noong 1627, sa pangunguna ni Sultan Bungsu kasama ang dalawang-daang (200) katao at tatlumpong barko, sinulong nila ang kota ng mga Espanyol sa Camarines. Marami silang nakuha kasama na rito ang tatlong-daang (300) bilanggo. Narating ng mga Maguindanaon ang kanilang “Ginintuang Panahon” sa ilalim ng pamumuno ni Sultan Muhammad Qudarat. Nasa ilalim ng kanyang impluwensya ang mga lalawigan ng Cotabato, Lanao, Davao, Misamis Bukidnon at Zamboanga. Ang mga manlalayag ng Borneo, Basilan at Visayas ay nirerespeto si Sultan Qudarat. Ang mga katutubo ay itinuturing siyang isa sa mga ipinadala ni Allah upang parusahan ang mga Espanyol. Noong ika-13 ng Marso 1637, inutusan si Gobernador-Heneral Hortado de Corcuerra upang sugpuin ang Mindanao. Sinulong ni Corcuerra kasama ang walong-daang (800) sundalo ang teritoryo ni Qudarat at nagkaroon ng matinding digmaan. Nasugatan si Qudarat at sinuwerteng makatakas. Nakahanap ng tulong si Qudarat sa Lake Lanao at napilit ng iba pang mga sultan na huwag sumuko. Nakipagsanib puwersa siya sa iba pang lider ng Brunei, Sulu, Ternate at Makassar. Hindi nagtagumpay ang mga Espanyol sa pag-atake kay Qudarat hanggang sa namatay na lamang ito dahil sa katandaan sa edad na siyamnapu.
Pinangunahan na naman ni Corcuerra ang panibagong digmaan sa Sulu noong Enero 1638 at kasama rito ang limang-daang (500) sundalo at isang libong (1000) mga katutubong Muslim. Ang digmaan ay nagtagal ng humigit kumulang ng tatlong buwan. Bumalik ang mga Espanyol sa Maynila upang kalabanin ang mga Dutch dahil sa tangkang pananalakay nito sa lugar. May mga kasunduan na nakopya at sa loob ng limampung taon, nagkaroon ng katahimikan sa pagitan ng dalawang puwersa. Matapos ang pananalakay ng Dutch, binalikan na naman ng pansin ng mga Espanyol ang pagsugpo sa puwersang Muslim. Nagdesisyon sila na sulungin ang Zamboanga, Sulu at Palawan noong 1718. Naalarma ang mga Moro at naghanda sa pananalakay ng mga Espanyol. Isang “Royal Decree” ang napasa noong 1751, tinawag itong “Privateer System” na nanhihikayat sa mga indibidwal na sumali sa digmaan laban sa mga Moro. Gumanti ang mga Moro at sinalakay ang teritoryo ng mga Espanyol at nakalikom ng mga bihag at ibenenta ang mga ito.
Isang matindi at madugong labanan ang naganap noong ika-27 ng Pebrero 1851 sa Sulu. Marami ang mga nadamay sa digmaan. Dalawang libong sundalong Espanyol laban sa humigit kumulang na sampung libong Muslim. Sa Maguindanao, sa ilalim ng pamumuno ni Sultan Anwauddin Utto noong 1875, nakipagsanib puwersa siya sa mga sultan na nakatira malapit sa Ilog Pulangui. Ang balitang ito ay umabot sa mga Espanyol at natakot sila dahil nahalintulad nila si Sultan Utto kay Sultan Qudarat. Noong 1889, isang bagong Gobernador-Heneral na si Valeriano Weyler ang namuno ng kampanya laban sa mga Iranun at Maranaos. Pinamunuan ni Amai Pakpak ang puwersa ng mga Moro at napnsin ng mga Espanyol na hindi ito magiging matagumpay. Noong Setyembre 1891, itinigil ang kampanya. Pinalitan ni Ramon Blanco si Weyler noong 1895 at naglunsad ng panibagong kampanya laban sa mga Moro ngunit sa pagkakataong ito ay napatay si Amai Pakpak noong ika-10 Marso 1895 sa Marahui, na ngayon ay Lungsod ng Marawi.Sa loob ng humigit kumulang ng tatlong-daan at pitumpu’t pitong taon, nanatiling ginto ang pakay ng mga Espanyol sa Pilipinas. Pumapangalawa lamang rito ang pagpapalaganap ng relihiyong Katoliko. Hindi man magawagawang magtagumpay ang Espanya sa pananakop sa Mindanao, nagtagumpay naman ito sa pagtatanim ng galit at puot sa pagitan ng mga Pilipino at Moro.

1 comments:

DifferenT ayon kay ...

sobrang dami poh ng mga IMPORTANT DETAILS di2..... ty poh