THOUSANDS OF FREE BLOGGER TEMPLATES

Huwebes, Oktubre 9, 2008

Pagkatapos ng Digmaan

PAMBUNGAD



Kapag nababanggit ang salitang Leyte, napapa-isip agad ang tao patungkol kay Imelda Marcos at ang Sto. Niño. Banggitin man din ang salitang Tacloban at iyon pa rin ang ideya nila sa lugar na ito. Malaki ang naging impluwensya ni Imelda Marcos at ng pamilya Romualdez sa lungsod ng Tacloban kaya naman hindi maaalis sa ating isipan ang mga bakas na naiwan nila dito.

Si Imelda ay ipinanganak at lumaki sa Tacloban at dito, tinanghal siyang “Rose of Leyte.” Hindi naglaon ay naging Unang Ginang siya ng Pilipinas. Ito ang nagbigay daan upang makilala ang lungsod ng Tacloban at kung bakit ipinagawa ang Sto. Niño Shrine.

Makikita nating ang Sto. Niño Shrine ay matatagpuan lamang sa kahabaan ng Real St., Tacloban City. Isa ito sa mga pinaka-abalang kalye ng lungsod sapagkat maraming motorista ang dumadaanan dito papunta sa kani-kanilang mga trabaho at paaralan. Dahil sa halos araw-araw na paglalakbay ng mga tao sa kalsadang ito, hindi na masyadong napapansin ang kagandahan at kahalagahan ng Sto. Niño Shrine. At kung tatanungin ang karamihan sa mga Taclobanon kung nakapasok na ba sila rito, marami sa kanila ang magsasabing ni minsan ay hindi pa nila ito napuntahan. Hanggang tingin na lamang sila sa labas ng Sto. Niño Shrine. Nakalulungkot mang isiping ang mga turista pa na nagmula sa malalayong lugar ang nagkakaroon ng pagkakataong makapasok dito samantalang ang mismong mga Taclobanon na may pribelehiyong makabisita kahit anong araw gustuhin ay hindi makabisi-bisita.

Nandito ang pangkat namin upang maipakita sa karamihan ang kagandahan ng Sto. Niño Shrine. Sana ay mamulat kayo sa kahalagahan ng makasaysayang lugar na ito at magkaroon ng pagkakataon na ito'y mabisita.

Imahe Ng Sto. Niño

Ipinagdiriwang taun-taon ng mga Taclobanon ang Pintados para magbigay pugay sa patronahe(patron saint) nito, si Sto. Nino.

Noong panahon, ang lungsod ng Tacloban, na kung tawagin noon ay "Kankabatok" ay nasa ilalim pa ng Buscada sa Basey, Samar. Bagaman mayroong imahe ng Sto. Nino ang Tacloban, maliit lamang ito kung ikukumpara sa imahe sa Buscada. Nang umunlad ang Tacloban ay napagpasyahan ng mga namamahala sa Buscada na ipagpalit ang kanilang imahe sa Tacloban kaya kilala ang 'Balyuan Tower' dahil dito nagpalitan ang Kankabatok at Buscada ng mga imahe.

Ang imahe na noon ay nasa pag-aari ng Buscada na ipinagpalit nila sa Kankabatok ay ipinadala sa Maynila upang pagandahan ito para sa paghahanda sa fiesta sa Tacloban noong Enero 1889. Pero ng pabalik na ito sa Tacloban ay nasunog ang bangka kung saan nakasakay ito. Nawala ito ng halos isang taon kaya sinasabi ng mga Taclobanons na sa panahong ito ay madalas na umuulan ng malakas. Natagpuan ito sa Mindoro na nasa kamay ng mga pagano.

Nabalik din ito sa Tacloban noong Hunyo 1889 at dito nangyari ang isang miraculo. Dahil sa mga panahong ito ay maraming may sakit na cholera. Nang nabalik ang imahe ni Sto. Nino ay nawala ang mga sakit ng mga taong pumunta upang idiwang ang pagbabalik ng imahe ni Sto. Nino. Ngayon, ang imaheng ito ay nasa Sto. Nino Church at maraming tao ang pumupunta dito. At may isang pang imahe ni Sto. Nino na nasa Sto. Nino Shrine ngayon.

Sto. Niño Shrine

Sariwain Natin Ang Nakaraan

Ang Sto. Niño Shrine ay matatagpuan sa lungsod ng Tacloban sa Leyte. Ito ay isa sa mga bantog at magagandang tanawing sinasadyang puntahan ng mga turista. Hindi lang ito basta tanawin lamang dahil lingid sa kaalaman ng marami, taglay nito ang ilan sa mga pahina ng ating kasaysayan. Dito nanirahan ang pamilya ng unang ginang ng dating pangulo ng Pilipinas na si Ferdinand E. Marcos na si Imelda Romualdez Marcos. Ang pamilya nila ay isa sa mga maiimpluwensiyang pamilya noong panahon ng Batas Militar. Ang Sto.Niño Shrine ay ipinagawa ni Pangulong Marcos noong dekada 80 para sa kaniyang kabiyak na si Imelda Romualdez na sa lungsod ng Tacloban isinilang. Ayon sa gumagabay sa mga turista, hindi umano museum o chapel ang lugar na ito. Ipinagawa lamang ito upang magsilbing pampersonal na altar ni Imelda. Kahanga-hanga! Ang lugar na sa mata nati'y parang museo ay mistulang altar lamang sa mata ng mga Marcos!

Sa bakuran ng gusaling ito ay makikita ang imahe ng Sto. Niño. Pagpasok na pagpasok pa lamang, mabibighani ang sinumang makakakita ng mga antigo at magagarang kagamitan doon. Ang mga ito ay nagmula pa sa iba’t-ibang parte ng mundo. Ang iba sa mga ito ay ang elepanteng yari sa ivory;ang malaking salaming gawa sa Austria na matatagpuan sa unang palapag ng gusali; ang mga imahe ng unang ginang na si Imelda; ang malaking “Family Tree” ng pamilya Romualdez at Marcos na umabot hanggang sa ikalawang palapag; ang istatwa ni Confucius; ang mga upuan na gawa sa stainless noong ika-dalawampu’t limang anibersaryo ni Ferdinand at Imelda; ang dalawang naglalakihang mesa; mga larawang ginawa ni Ferdinand na nilagdaan niya; at ang “study table” ni Ferdinand. Mayroon ding rebulto ng Birheng Maria at Sto. Niño sa loob ng Sto. Niño Shrine. Ang rebulto ng Birheng Maria ay galing pa sa Italia.

Kung ibig mong malaman kung paano namuhay ang pamilya Marcos, hindi mo na kailangan pang basahin ang nakakabagot at pang-maalaala-mo-kaya nilang istorya sa mga makasaysayang libro. Pumunta ka lamang sa Sto. Niño Shrine at mararamdaman mo kung paano sila namuhay noong panahong nakaluklok pa sila sa panunungkulan.

Kahit na tinanghal nang shrine ang "pampersonal na altar" ni Imelda, hindi pa rin maramdaman ng tao ang pagiging malapit nito sa Diyos. Tanging mga turista lamang ang atat na atat na makita ang napakagarbong "altar" ni Imelda. Bagamat kahanga-hanga ang mga bagay na nakapaloob dito, sinasalamin pa rin nito ang payak na pamumuhay ng mga taong nakapaligid dito.

Sabado, Setyembre 13, 2008

Pluma

Kung maiikot lamang ang oras noong panahong bumisita si Dr. Pio Valenzuela sa Dapitan upang kausapin si Rizal tungkol sa rebolusyon at ipinagkaloob ng Poong Maykapal na sa oras na iyon ay ako ang papalit sa posisyon ni Rizal, wala akong hahalinhan sa kanyang sinagot. Sa maikling sabi, hindi ako sasang-ayon sa rebolusyong ibig nilang pangunahan kung ang ibig sabihin naman ng rebolusyung iyon ay pagsugal ng napakaraming buhay sa isang digmaang wala naman silang laban at walang katiyakan ang kalalabasan.


Sa puntong iyon, hindi pa handang makipaglaban ang mga Pilipino. Kulang ang kanilang armas at hindi nila kayang puksain ang mga Espanyol gamit ang bolo lamang. At naniniwala akong maaaring makamtan ang kalayaan ng hindi nagbubuwis ng napakaraming buhay. Ang mga buhay na iyon ay naging bahagi sana ng mas malaki pang karangalang makapagbabago at makapagpapabilis ng pag-unlad ng ating sibilisasyon. Malaya nga tayo ngayon, bunsod na rin marahil ng mapangahas na rebolusyong naganap noon; subalit, kung titingnan natin ang ating sitwasyon, hindi pa tayo tunay na malaya. Hindi pa natin kamit ang kalayaang matagal na nating inaasam-asam sapagkat wala pa rin ang pagkakaisang magbubuklod sa atin. Hiwa-hiwalay pa rin tayo at tulad ng dati, may sari-sariling mga grupo. Pilit nating hinahanap-hanap ang kalayaan ngunit pilit naman nating pinagpapangkat-pangkat ang ating mga sarili. Kahit saan ka man magpunta, hayag ang hindi pagkakabigkis nating mga Pilipino. Ang mga pangyayaring nagaganap ngayon sa timog bahagi ng ating bansa ang magpapatotoo sa nakalulunos na katotohanang ito. Patuloy ang pakikipagsapalaran ng ating mga Muslim na kababayan. Ilan kasi sa kanila ay umaayon sa pakikiisa sa gobyerno at ilan naman ay tumututol.

Tulad ni Rizal, malakas ang pananalig ko sa kapangyarihan ng edukasyon. Hindi dahas ang susi sa kalayaan kundi edukasyon. Ang tunay na kalayaan ay hindi matatagpuan sa kalayaang nakukuha sa pagkawala ng mga dayuhang may mga dalang armas na parating nakatutok sa kanilang sinasakupan. Ang tunay na kalayaan ay nasa puso, isip at pagkatao. Kahit sakupin man tayo ng buong mundo kung tayo’y malaya sa impluwensya nito, hindi tayo masasakop. Kung sa puso, isip at pagkatao nati'y tayo’y malaya at ramdam natin ang pagiging Pilipino, tayo’y tunay na malaya.

Ngayon, tayo man ay wala na sa matigas na pamumuno ng mga dayuhan sa nakaraan, tayo pa rin ay kanilang sakop. Ang ating gawi ang huhusga sa pagiging alipin pa rin natin sa nakaraan. Kunin na lamang natin ang reaksyon ng makabagong Pilipino kapag naririnig niya ang kanyang mahirap na kaibigang nangangarap tanghaling pinakamayaman sa buong mundo. Ambisyosa!. Ito ang unang salitang maririnig mo sa kanya. Ano’ng masama sa pangangarap? Ang pag-iisip natin ukol sa pagiging hambog kapag tayo’y nangangarap ay umugat sa pag-iisip ng mga Espanyol. Dinungisan nila ang tunay na ibig sabihin ng pangarap upang isipin nating tayo ay mababa at walang karapatang mangarap. Dahil dito, tayo pa rin ay nakakulong sa kanilang bakal na kamay. At taas noo nating ipinagmamalaking tayo ay malaya gayong ang tingin natin sa ating mga sarili ay pawang mga alipin lamang ng mga dayuhan.

Tanungin mo man ang tipikal na Pilipinong ang hilig ay paglalakbay kung anu-ano na ang mga lugar na kanyang nabisita, magugulat ka sa napakarami niyang babanggitin--Roma, Pransya, Amerika...--subalit 'ni isang lugar maliban sa lugar na kanyang kinalakihan ay wala kang maririnig na papuri o kaya'y kahit sambit lamang ng pangalan.

Ilan lamang sa aking binanggit ang napakarami pang katibayang tayo'y sakop pa rin.

Hindi naging epektibo ang pisikal na kalayaang nalikom natin mula sa pakikidigma dahil hanggang ngayon, tayo'y nakakulong pa rin. Nakita na natin ang ibinunga ng paraan ni Bonifacio, gawin naman natin ngayon ang paraan ni Rizal.

Ang Panambitan Ng Isang Rebolusyunaryo

Yaman din lamang at nakatakas tayo sa piitan ng nakaraan, sana’y huwag namang tayo mismo ang magkait sa kalayaang ito at magkulong sa ating mga sarili pabalik sa pinanggalingan nating iyon.

Oo nga’t matagumpay tayong tumalilis sa dilim ng nakaraan ngunit patuloy naman tayong tumatakbo; hindi alam kung saan patutungo; hindi alam kung sa kahuli-hulihan ba’y sa dilim pa rin pala ang hantungan; hindi alam kung kailan titigil sa walang-humpay na pagtatakbong ito.

Ligaw. Tayo ay ligaw sa kagubatang ito. Sino ang mag-aakalang sa bawat digmaan, hindi nagtatapos ang pakikipaglaban sa pagkapanalo ng pula at pagkatalo ng puti. At kung sakali mang makamit ng dalawa ang sariling kalayaan, hindi pa rin natatapos ang pakikipaglaban! Patuloy pa rin ang pakikibaka. Patuloy pa rin ang digmaan.

Pag-aaklas laban sa iba ang tawag sa digmaan noon; pag-aaklas naman laban sa sarili ang tawag sa digmaan ngayon.

Sa pakikidigma sa sarili pumapasok sa eksena ang pinakamamahal nating Inang Bayan, ang Pilipinas.

Pilipinas: aking lupang sinilangan; tahanan ng aking lahi. Ito ang ina’ng kumupkop at patuloy na kumukupkop sa akin kung kaya’t hinding-hindi ko pababayaang mapariwara at pagtakluban ito ng langit at lupa.

Malaya na ang ating bayan. Wala ng Hapon o kaya’y ‘Kano’ng umaabuso rito. Hindi na rin bukambibig ang salitang Indio. Wala na ang tahasang pang-aalipusta at pagmamaliit ng Espanyol. Hindi na rinig na rinig ang alingawngaw ng sigaw na sanhi ng pagmamaltrato at pang-aabuso ng mga Hapon sa mga kababaihan natin. Ngunit ano ba ang katotohanan? Malaya ang ating bayan subalit sa pisikal na aspeto lamang; ito ang katotohanan.

Tayo pa rin ay biktima ng pananakop. Tayo pa rin ay patuloy na hinuhubaran ng identidad. Pilipino nga ang namumuno sa atin ngunit Pilipinong isip Hapon at pusong ‘Kano naman! Pilipinong kaakibat ang panggawi ng mga Espanyol sa kanyang pamumuno! Pilipinong replika ni Aguinaldo! Pilipino nga ang namumuno sa atin ngunit Pilipino lamang dahil may maipapakitang kasulatang siya’y anak ng bayan! Ano ang kaibahan ‘nun sa pamumuno ng dayuhan?

Tayo pa rin ay sakop ng mga dayuhan sa isip at puso. Ang tunay na Pilipino ay siyang taong iaalay lahat at kung maaari pati na rin ang kanyang buhay para sa Pilipinas. Ang tunay na Pilipino’y yaong namumuno hindi para sa sariling kapakanan kundi para sa kanyang bayan. Ang tunay na Pilipino’y ang maka-Pilipinong hindi gagawa ng anumang makasasama at makasisira sa kanyang bayan. Lahat ng kanyang ginagawa ay para sa bayan. Walang sawa niya itong pinaglilingkuran. Bayan. Bayan. Bayan. Ang tunay na Pilipino’y hindi tulad ng mga namumuno sa atin ngayon.

Reporma! Ito ang hinaing ko. Reporma hindi sa gobyerno kundi sa tao. Kahit ilang beses natin palitan ang gobyerno, kung ang mga mamamalakad dito’y mga taong nagtatago pa rin sa anino ng nakaraan, hindi tayo uunlad. Kung magiging tunay na Pilipino lamang ang mga namumuno sa atin ngayon gaya ng tipo ng Pilipinong nabanggit ko, siguradong nakalabas na ang kanilang mga bulsa at payak lamang sila kung mamuhay sapagkat iaalay nila lahat pati na ang kanilang mga sarili, kung maaari, para sa bayan. ‘Panong hindi ito mangyayari kung ang adhikain ng bawat isa sa kanila ay ang mamuno para sa ikauunlad ng bayan at hindi sa ikauunlad ng kanilang mga sarili? Oo nga’t lumalakas ang ekonomiya ngunit hindi naman ito ramdam ng magtataho. Wala pa ring masulyapang pagkain sa hapag-kainan si Mang Juan. Ganoon pa rin ang kakarampot na kitang nakukuha ni Aling Juanita sa kanyang mga trabaho: paglalaba, pagbebenta ng sampaguita, pagtutulak ng kariton, pangangalkal ng basura, pagtatahi at kung anu-ano pang trabahong maaari niyang pasukan.

Tainga lamang pala ang nabubusog sa kwentong umuunlad na tayo. Para sa sikmura, pawang kasinungalingan lamang ang bumubuo sa salitang kaunlaran.

Mayaman ang Pilipinas! Walang hindi nakakaalam sa katotohanang ito. Maraming negosyante ang yumayaman dito, tayong mga Pilipino nga lamang ang hindi. Kaya nga marami-rami ring dayuhang namumuhunan sa mga negosyo rito dahil alam nilang malaki ang kikitain dito. Sino nga ba ang dadayo sa atin kung alam naman niyang wala siyang makukuha at mahirap lang ang bansang ito? Isipin mo nga ang napakaraming Instik na naninirahan dito, hindi ba’t karaniwang mayayamang negosyante ang mga ito?

Ngayon, kung mayaman ang Pilipinas, bakit marami pa ring Pilipinong mahirap? Walang naghihirap na Pilipinong hindi ibubunton ang sisi sa korapsyon. Pati nga mayayaman ay umaalma na sa sistema rito (maliban na lamang ang mga yumayaman dahil sa gawaing ito).

Korapsyon ang puno’t-dulo ng paghihikahos ng milyun-milyong Pilipino. Walang hindi nasaktan sa talim nitong sanhi ng pang-aabuso ng mga taong nakaluklok sa pamumuno ang hindi umaray at umalma laban dito. Nakakalungkot isiping, naging kalakip na ang krimeng ito sa pangaraw-araw na buhay ng napakaraming pinuno at kung minsan, pati na rin ng pinamumunuan.

Malala na ang sakit ng Pilipinas hinggil sa korapsyon. Isa itong sakit na nakahahawang maging pag-aaklas o pakikidigma ay hindi tumatalab. Kung baga sa ano’y gasgas na ang mga paraang ito. Kinakailangan na ng bagong gamot para sa ikagagaling ng bayang ito. Ang lunas? Reporma sa tao.

Lunes, Agosto 18, 2008

Alitan sa Pagitan ng Moro at Espanyol


Bago magsimula...
Inatasan ni haring Charles 1, hari ng Espanya, si Ferdinand Magellan, isang Portuguese, na hanapin ang Spice Island sa Karagatang Pasipiko sa pamamagitan ng paglalayag patungong silangan. Mula sa San Lucar, Spain, umalis si Magellan kasama ang humugit kumulang ng dalawang-daan at limampung (250) katao at limang (5) barko noong ika-20 ng Setyembre 1519. Matapos ang ilang buwang paglalayag, noong ika-17 ng Marso 1521, nakakita si Magellan ng isang isla at tinawag niya itong “Archipelago ni San Lazaro.” Ito na ngayon ang tinatawag nating isla ng Samar. Huminto muna sila sa Homonhon, Samar at tumuloy sa Limasawa, Leyte na kung saan ginanap ang kauna-unahang misang Katoliko sa Pilipinas noong ika-31 ng Marso 1521. Naglayag muli sina Magellan patungong timog-kanluran at narating nila ang isla ng Mactan. Ang mga katutubo sa ilalim ng pamumuno ni Rajah Lapu—lapu ay tumanggi sa pakay ng mga banyaga. Nagkaroon ng madugong digmaan na tinawag na “Battle of Mactan” noong ika-27 ng Abril 1521. Natalo ang mga Espanyol dahil sa napatay ni Rajah Lapu-lapu si Magellan.
Matapos ang bigong paglalayag ni Magellan, nagpadala ng mga panibagong ekspedisyon ngunit hindi rin ito nagtagumpay. Dahil sa pagkalugi ng bansang Espanya, nakipagkasundo ang hari ng Espanya sa Portugal sa pamamagitan ng “Treaty of Zaragosa” noong ika-22 ng Abril 1529. Dahil sa kasunduang ito, ang Pilipinas at Moluccas ay naging kolonya ng Portugal. Matapos ang ilang taon, nagpadala ng panibagong ekspedisyon si haring Charles 1 na pinamunuan ni Roy de Villalobos para magkaroon ng permanenteng pananakop sa Islas de Poniente, ang kasalukuyang Pilipinas. Kasama ni Villalobos ang mga paring Augustinian at napadpad sa Saranggani noong 1543. Dahil sa kahirapan ng pinagkukunan ng pagkain at pagiging agresibo ng mga Moro, umalis sila sa isla. Habang sila ay naglalakbay, ang isa sa mga tauhan ni Villalobos na si Bernardo dela Torre ay nagbigay ng pangalang Las Islas de Filipinas sa ngalan ni Philip na tagapagmana sa trono.
Naging hari si Philip noong 1556 at gumawa ng patakaran na dapat sakupin ang mga isla na ipinangalan sa kanya. Inatasan niya si Miguel Lopez de Legazpi na iwanan ang Mexico upang pumunta ng Pilipinas noong Nobyembre 1564 kasama ang isang pari na si Andres de Urdaneta. Sa isla ng Panay sila dumaong noong ika-27 ng Abril 1565 at sinakop ang kalapit na mga isla. Inutusan ni Legazpi si Kapitan Martin de Goiti na sakupin ang Maynila sa isla ng Luzon.

Ang simula...
Si Rajah Sulaiman Mahmud and Rajah Matanda ang tagapamahala ng Maynila na ngayon ay Fort Santiago habang si Rajah Lakandula naman sa Tondo. Noon pa man ay mayroon na talagang alitan at pagkamuhi sa pagitan ng mga Espanyol at Muslim dahil ito sa “Fall of Granada” noong 1492. Ang digmaan ng Bangkusay ay naganap noong ika-3 ng Hunyo 1571. Namatay si Rajah Sulaiman, ang pinakahuling tagapamahalang Muslim sa Maynila. Ang pagkamatay niya ay ang simula ng malawakang pananakop ng Espanyol sa Luzon at Visayas sa loob ng labing-isang (11) taon at pinagharian ng Espanya sa loob ng humigit kumulang ng tatlong-daan at dalawampu’t pitong (327) taon.
Ang digmaan sa pagitan ng Moro at Espanyol ay nagsimula noong 1578 pagkatapos ng kampanya ng mga taga-Brunei at sinundan pa ito ng digmaan sa Sulu na ang kalaban ng mga Espanyol ay si Sultan Buddiman Pangiran. Ang mga Espanyol at iba pang mga banyaga na mayroong interes sa Pilipinas ay iniiwasan ang puwersa ng mga Moro. Inutusan ni Gobernador-Heneral Francisco de Sande si Kapitan Esteban de Figueroa na talunin ang mga Moro. Nong ika-1 ng Abril 1596, narating ni Figueroa ang Tampakan sa Maguindanao. Pinangunahan nina Rajah Silongan at Datu Obal ang puwersa ng mga Maguindanaon. Nagkaroon ng isang madugong digmaan sa pagitan ng dalawang puwersa. Nahati sa dalawa ang ulo ni Figueroa sa pamamagitan ni Datu Obal. Kaagad na umalis patungo ng Maynila si Juan de Lara matapos mamatay si Figueroa. Alam ng mga Moro na maghihiganti ang Espanyol. Taong 1599, sinulong ng mga Moro ang teritoryo ng mga Espanyol at nabihag nila ang paring Jesuit na si Melchor Hurtado. Noong 1627, sa pangunguna ni Sultan Bungsu kasama ang dalawang-daang (200) katao at tatlumpong barko, sinulong nila ang kota ng mga Espanyol sa Camarines. Marami silang nakuha kasama na rito ang tatlong-daang (300) bilanggo. Narating ng mga Maguindanaon ang kanilang “Ginintuang Panahon” sa ilalim ng pamumuno ni Sultan Muhammad Qudarat. Nasa ilalim ng kanyang impluwensya ang mga lalawigan ng Cotabato, Lanao, Davao, Misamis Bukidnon at Zamboanga. Ang mga manlalayag ng Borneo, Basilan at Visayas ay nirerespeto si Sultan Qudarat. Ang mga katutubo ay itinuturing siyang isa sa mga ipinadala ni Allah upang parusahan ang mga Espanyol. Noong ika-13 ng Marso 1637, inutusan si Gobernador-Heneral Hortado de Corcuerra upang sugpuin ang Mindanao. Sinulong ni Corcuerra kasama ang walong-daang (800) sundalo ang teritoryo ni Qudarat at nagkaroon ng matinding digmaan. Nasugatan si Qudarat at sinuwerteng makatakas. Nakahanap ng tulong si Qudarat sa Lake Lanao at napilit ng iba pang mga sultan na huwag sumuko. Nakipagsanib puwersa siya sa iba pang lider ng Brunei, Sulu, Ternate at Makassar. Hindi nagtagumpay ang mga Espanyol sa pag-atake kay Qudarat hanggang sa namatay na lamang ito dahil sa katandaan sa edad na siyamnapu.
Pinangunahan na naman ni Corcuerra ang panibagong digmaan sa Sulu noong Enero 1638 at kasama rito ang limang-daang (500) sundalo at isang libong (1000) mga katutubong Muslim. Ang digmaan ay nagtagal ng humigit kumulang ng tatlong buwan. Bumalik ang mga Espanyol sa Maynila upang kalabanin ang mga Dutch dahil sa tangkang pananalakay nito sa lugar. May mga kasunduan na nakopya at sa loob ng limampung taon, nagkaroon ng katahimikan sa pagitan ng dalawang puwersa. Matapos ang pananalakay ng Dutch, binalikan na naman ng pansin ng mga Espanyol ang pagsugpo sa puwersang Muslim. Nagdesisyon sila na sulungin ang Zamboanga, Sulu at Palawan noong 1718. Naalarma ang mga Moro at naghanda sa pananalakay ng mga Espanyol. Isang “Royal Decree” ang napasa noong 1751, tinawag itong “Privateer System” na nanhihikayat sa mga indibidwal na sumali sa digmaan laban sa mga Moro. Gumanti ang mga Moro at sinalakay ang teritoryo ng mga Espanyol at nakalikom ng mga bihag at ibenenta ang mga ito.
Isang matindi at madugong labanan ang naganap noong ika-27 ng Pebrero 1851 sa Sulu. Marami ang mga nadamay sa digmaan. Dalawang libong sundalong Espanyol laban sa humigit kumulang na sampung libong Muslim. Sa Maguindanao, sa ilalim ng pamumuno ni Sultan Anwauddin Utto noong 1875, nakipagsanib puwersa siya sa mga sultan na nakatira malapit sa Ilog Pulangui. Ang balitang ito ay umabot sa mga Espanyol at natakot sila dahil nahalintulad nila si Sultan Utto kay Sultan Qudarat. Noong 1889, isang bagong Gobernador-Heneral na si Valeriano Weyler ang namuno ng kampanya laban sa mga Iranun at Maranaos. Pinamunuan ni Amai Pakpak ang puwersa ng mga Moro at napnsin ng mga Espanyol na hindi ito magiging matagumpay. Noong Setyembre 1891, itinigil ang kampanya. Pinalitan ni Ramon Blanco si Weyler noong 1895 at naglunsad ng panibagong kampanya laban sa mga Moro ngunit sa pagkakataong ito ay napatay si Amai Pakpak noong ika-10 Marso 1895 sa Marahui, na ngayon ay Lungsod ng Marawi.Sa loob ng humigit kumulang ng tatlong-daan at pitumpu’t pitong taon, nanatiling ginto ang pakay ng mga Espanyol sa Pilipinas. Pumapangalawa lamang rito ang pagpapalaganap ng relihiyong Katoliko. Hindi man magawagawang magtagumpay ang Espanya sa pananakop sa Mindanao, nagtagumpay naman ito sa pagtatanim ng galit at puot sa pagitan ng mga Pilipino at Moro.

Mga Tao Ng Lawa

Sa dinami-dami ng tao dito sa mundo, ilan lamang ang gustong magpasakop. Halos lahat na yata pabor sa mapang-akit na salitang kung tawagin ay kalayaan. Hindi na bago ito, maging sa Pilipinas, lalo pa't napakarami nang sumakop dito.

Maraming nangahas na sakupin ang Pilipinas. Ang pinakamatagal na sumakop sa bansang ito ay ang kilalang mga Espanyol na naghari ng 333 taon. Dahil sa kanilang ambisyong mahanap ang kanilang pinakapapangarap na Spice Island, hindi inaasahang narating nila ang paraisong mas maganda pa kaysa dito.

Napakahirap ng pinagdaanan ng mga Pilipino malabanan lamang ang mga mananakop nito. Umusbong ang iba't-ibang rebolusyonaryong naghangad ng reporma. Sinamantala ng mga ilustrado-mga Pilipinong binigyan ng pagkakataong makapag-aral- ang edukasyong kanilang nalikom upang malabanan ang mga Espanyol. Mayroong mga taong ginamit ang sandata o dahas laban sa dahas at mayroon ding ibang pluma ang ginamit laban sa pananakop. Maituturing na tahimik at maingay ang ginamit ng mga Pilipino upang matubos ang kani-kanilang kultura at mapanatili ang kanilang lahi. Iba't-ibang mga tribo ang pilit na umayaw sa pwersa ng mga Espanyol. Ang mga Maranao na napakayaman sa kultura at paninindigan ay isa lamang sa napakaraming tribong nakipagbakbakan. Magiting na nilabanan ng mga Maranao ang pinakasandatang ginamit ng mga Espanyol
upang masakop ang Pilipinas--ang relihiyon.

Napasa-ilalim sa hipnotismo ng Kristiyanismo ang napakaraming Pilipino subalit, hindi pinahintulutan ng mga Maranao ang mapasailalim dito. Sinara nito ang kaniyang pinto sa mga mga Espanyol.

Linggo, Agosto 17, 2008

Polo Y Servicio


Ang pagpapalaganap ng relihiyong Katoliko ang naging unang hakbang ng malawakang pananakop ng Espanya sa Pilipinas. Sa pamamagitan nito, nabigyan ng pagkakataon na maisakatuparan ang tunay na hangarin ng Espanya sa ating bansa. Nagtatag sila ng mga patakaran na masasabi nating nagbigay ng malaking epekto sa pamumuhay ng mga Pilipino. Isa sa mga patakarang itinatag ng mga Espanyol ay ang sapilitang pagtatrabaho, kilala sa tawag na Polo y Servicio.


Ang Polo y Servicio o Prestacion Personal ay hango sa sistemang Repartimiento de Labor na ipinatupad ng Espanya sa Mexico. Ito ay sapilitang pagpapatrabaho sa mga lalaking Pilipino at Mestizo Tsino na may edad na labing-anim (16) hanggang animnapu (60). Nagtatrabaho ang mga ito ng apatnapung (40) araw bawat taon. Polista ang tawag sa mga manggagawang nito. Ang mga trabaho ay dapat na pampublikong serbisyo tulad ng pagtatayo ng mga imprastraktura gaya ng gusali at simbahan; pagpuputol ng malalaking puno; at pag-aayos ng mga kalsada ngunit dahil sa nasasakop ng sistemang encomienda ang Polo y Servicio, ang ibang mga Polista ay naninilbihan sa bahay ng encomiendero. Makakaligtas lamang ang mga polista kung makakabayad sila ng falia na katumbas ng pangaraw-araw na sahod na ibinibigay sa kanila.


Ang patakarang polo y servicio ay masasabi nating epektibo sa maraming kadahilanan. Isa na rito ang mga imprastraktura na nakikita nating nananatiling nakatayo mula pa noong panahon ng pananakop ng mga Espanyol hanggang ngayon. Ang mga ito ay ang mga matatandang simbahan at gusali na matatagpuan sa iba’t-ibang panig ng bansa. Pumapangalawa ang mga malalaking barko na ginagamit ng mga Espanyol sa pandaigdigang kalakalan. Dahil sa mga barkong ito, nagkaroon ng mga malawakang kalakalan sa pagitan ng Pilipinas at ibang bansa. Matindi ang pinagdaraanan ng mga Polista sa paggawa ng mga galyon dahil sa kinakailangan nilang magbuhat ng mga malalaking puno upang magamit sa paggawa ng mga ito. Naging epektibo rin ito dahil sa ito ay sapilitan. Kung hindi magtrabaho ang mga polista, sila ay mapaparusahan. Upang hindi sila maparusahan, tinitiis na lamang ng mga Pilipino ang humugit kumulang na dalawang buwang pagtatrabaho.

Sabado, Agosto 16, 2008

BangsaMoro

Ang Bangsamoro ay binubuo ng mga lugar sa Mindanao at ng mga karatig na lugar katulad ng Palawan at Sulu. Ito ang pumapangalawa sa tatlong malalaking isla na bumubuo sa Pilipinas. Sa kanila rin nanggagaling ang sangkapat na populasyon ng bansa kung kaya't pinapahalagahan ang pagiging bahagi nila ng Pilipinas na nagiging dahilan ng pagtutol ng pamahalaan sa pagtatatag ng kanilang sariling bansa.

Ang paghahangad na pagsasarili ng Bangsamoro ay napakatagal na nilang ninanais ngunit hindi ito maibigay ng pamahalaan na nagiging dahilan ng pagkakaroon ng pagsasalungat sa pagitan ng mga Kristiyano at Muslim. Ang hindi pagkakaunawaan ng dalawa ay nagmula pa sa panahon ng pagsakop ng mga Espanyol dito sa Pilipinas. Dahil sa malawak na paglaganap ng Islam sa bansa at sa mga likas na yaman na maaari nilang mapakinabangan, ay hindi nagdalawang isip ang mga Espanyol na
sakupin ito. Nagtagumpay ang Espanya sa pagsakop sa dalawang bahagi ng Pilipinas na kung tawagin ay Luzon at Visayas ngunit bigo sila sa Mindanao dahil dito unang naitatag ang relihiyong Islam at malakas ang pwersa at pagkakaisa nila sa paglaban sa relihiyong Kristiyanismo.

May matibay na samahan at determinasyon ang mga Muslim sa pagpapanatili ng kanilang tradisyon, kultura, pamumuhay at marami pang aspeto ng buhay kaya naman hanggang sa kasalukuyan ay nagkakaisa pa rin sila sa kanilang mithiing
magkaroon ng sariling bansa.

Makikita natin na may hindi magandang pagsasamahan ang mga Muslim at Kristiyano sa kasalukuyan at ito na ang bunga ng hindi magandang simula nila
noong panahon ng mga Espanyol. Ang alitan nila ay nagbunga ng pagkakatatag ng iba't ibang samahan sa Mindanao laban sa pamahalaan katulad na lamang ng MILF, Abu Sayyaf, Jeemah Islamiyah, NPA at marami pang iba. Ang pagkakatatag ng mga samahang ito ay nagiging sanhi kung bakit mayroong terorismong lumalaganap sa bansa.

Ang pagbibigay kalayaan sa Bangsamoro na maging isang bagong republika ay maaaring maihalintulad sa mga pangyayari noong panahon na talagang lumaban ang mga Muslim na hindi maging bahagi ng Kristiyanismo. Ito ay dahil sa makikita natin na ayaw nilang mapamahalaan ng iba at ayaw nilang m
abahiran ng ibang kultura ang kanilang kultura.

Ang Kagandahan ng 'Pinas

Noon at Ngayon

Inday: ...at ang nakalaang katanungan para sa iyo; kung ika'y bibiyayaang mabuhay muli at mabibigyan ng pagkakataong makapili, sino ka at bakit?



Hindi maikakailang nakaririndi sa pandinig ang katanungang ito dahil na rin marahil sa walang-sawang paggamit nito sa mga paligsahan. Ang pinakamasugid na yatang gumagamit nito'y yaong mga kritikong nagtatanong sa mga magaganda at matatalinong dilag sa labanang kung tawagin sa Ingles ay beauty pageant. Sa tuwing naririnig ko ang katanungang ito, napag-iisip ako kung kailan ako nabuhay. Paano naman kasi, kung ihahalintulad ko sa buhay, ang katanungang ito'y payak lamang subalit 'ni pangit na kasaguta'y wala akong maibigay.

Ang pinakabantog na kasagutang madalas naririnig ay ang award-winning na "Wala akong babaguhin sapagkat sapat na sa akin ang ipinagkaloob ng Poong Maykapal; sapat nang ako'y ako." Nosebleed!--ika nga. Mapapahiyaw ang mga manonood bunsod ng kanilang paghanga. Hindi pa man natatapos ang nakatitindig-balahibo't ala tele-nobelang kasagutan ng kandidata ay tatanghalin na itong panalo.

Napakalaking karangalan na siguro ang mabuhay sa nakaraan. Lubos na mahirap, magulo, masakit, madugo at lahat na yata ng mga masasamang "ma" sa mundo ay nagkumpul-kumpol na sa obra ng nakaraan. Ito; ito ang tumpak na mga dahilan kung bakit ibig kong mabuhay sa nakaraan. Walang libro, wika, kultura, sayaw o musika ang tunay na makapagsasabi sa tunay na kalagayan ng ating mga ninunong nagsumikap upang mapaginhawa ang ating buhay at makapagpaparamdam sa tunay nilang saloobin.

Kung ako'y mabubuhay sa nakaraan, mapaglilingkuran ko kahit papaano ang mga taong nagkaisa upang ipaglaban ang ating bayan at ako'y magkakaroon ng pagkakataong lumaban kasama sila; makidalamhati sa mga pagkakataong kailangan nila ng karamay sa mga pighati ng kanilang buhay; at makisaya sa mumunting labanang naipapanalo nila sa araw-araw nilang pakikidigma sa buhay. Ang makasama sila at mamuhay gaya nila ang tunay na makapagpapamulat sa akin sa kung ano ang katotohanang kanilang kinagisnan. Ito'y maihahalintulad sa wika; ang taong ibig matuto ng wikang banyaga, kailanma'y hindi makapapantay sa taong angkin ang nasabing wika kahit pa siya'y turuan ng pinakamagaling na guro. Maaaring siya'y maging bihasa subalit hindi maiwawaglit ang katotohanang mayro't-mayroon pa ring mga bagay-bagay na hindi niya lubos mauunawaan sa pagbabasa lamang. Ang bawat wika ay natatangi. Ito'y bunga ng madamdaming kuwento ng isang bayan. At ang tunay na makauunawa nito ay ang mga taong iniluwal ng bayang nagmamay-ari rito. Tulad na lamang ng unti-unting pagmamahal ng isang ina sa kanyang inampong anak at ng ampong anak sa kanyang bagong ina, ang mga banyagang nakatira roon ay napapamahal na rin at nagiging tunay na anak na ng wika.

Sabihin mo nga sa akin? Paano mo mararamdaman ang pakiramdam ng pakiramdam ng 'di mo pa nararamdaman? Magmamahal ka ba gayong hindi ka pa naman nakararamdam ng pagmamahal? Sabihin nating ika'y wala pang kamuwang-muwang sa buhay at hindi ka pa nakadarama ng pagmamahal at may nakita kang pamilyang nagpapakita kung ano ang tunay na pagmamahal, maiintindihan mo ba at magmamahal ka na rin ba 'agad sa isang tinginan lang? Hindi ba't natuto kang magmahal hindi dahil sa pagmamahal na ipinakita ng iyong mga magulang kundi dahil sa ipinaramdam nila?

Paano natin lubos na maiintindihan ang nakaraan na para bang tayo ay sila at sila ay tayo kung kailan ma'y hindi pa natin nararanasan ang kanilang pinagdaanan at hindi pa natin nadaramang tayo nga'y sila? Sa aking munting kaalaman ukol sa kanila, hindi ko pa rin lubos na maunawaan at mapahalagahan ang kanilang mga nagawa. Hindi ba't lubos ang iyong pagdadalamhati kung ikaw ang nawalan kaysa sa iyong pagdadalamhati kung iba ang nawalan? Kung mas nagdurugo ang iyong puso kapag ika'y nakakarinig ng balitang nasunog ang bahay ni Mang Hkrrgdhkdcmrgvfd kaysa sa pagkasunog ng sarili mong bahay (maliban na lamang kung sakit na 'yan), aba'y hindi na ako magpapakita pa.

Kung pipiliin ko ang mabuhay ngayon kaysa noon, hindi ko lubos na mapapahalagahan ang kanilang mga nagawa at hindi ko malalaman ang katotohanan sa tunay kong pagkatao at kung sino nga ba ako. Paano mo malalaman ang tunay mong pagkatao kung hindi mo alam ang naganap sa iyo noong unang tatlumpu'ng taon ng iyong pagkabuhay at ang tanging alaalang naiwan sa 'yo yaong sa kasalukuyan lamang!

Ang tunay na simula ng kabanata ng ating buhay bilang mga Pilipino ay nangyari noon. Isang napakalaking karangalan ang makita ang pangyayaring iyon; kung gaano katatag ang kanilang paninindigang itaguyod ang kanilang pagiging Pilipino; kung paano sila namuhay; kung paano nila pilit ipinaglaban ang napipinto nating kalayaan. Isa ring napakalaking karangalan ang matulungan sila; maging bahagi ng kanilang buhay at instrumento ng reporma. Maaari nga'ng ang mabuhay ngayon ay tama ng tulong sa kanila sapagkat ang maipagpatuloy natin ang kanilang nasimulan ang adhikaing naghimok sa kanilang lumaban, ngunit hindi kaya mas magandang pakinggang kasama natin silang itinaguyod ang simulain para sa kalayaan? Na kapit-kamay natin silang sinamahan sa pakikipaglaban? Na walang takot nating hinarap ang kamatayan? Na kahit sa pagkakataong iyon lamang, naramdaman natin ang pagkakaisa ng mga Pilipino? Na kahit papaano'y naibsan natin ang kanilang paghihirap at lubos nating naintindihan ang mithiing nagbubuklod ngayon sa atin?

Maipagpapagpapalit ko ang aking buhay para sa nakaraan upang maigugol ko ito sa munting paglingkod at pagtulong sa kanila; maibsan lamang ang kanilang pasakit at ang kanilang pasanin. Ikaw? Kung ika'y bibiyayaang mabuhay muli at mabibigyan ng pakakataong makapili kung sino ka at kung bakit, ano ang isasagot mo kay Inday?

Tama?Mali?

Sa ngayon hindi maikakaila ang paglaki ng populasyon. Ayon sa ilang ekonomista, sanhi ng napakaraming problema ng bansa ang napakalaking pagtaas nito. Unang ipinasa ng mga mambabatas ang patakaran ukol sa kontrasepsyon na maaaring magpabago ng buhay ng bawat Pilipino. Sa proposisyong ito, pinaniniwalaang bababa ang pagtaas ng krimen, ang dami ng mga walang trabaho at ang mataas na pagkakataong hindi maibahagi sa bawat Pilipino ang mga benepisyong ipinamamahagi ng iba't-ibang ahensya at programa ng gobyerno. Ang mga ito ay ilan lamang sa napakarami pang dahilan ng gobyerno kung bakit pilit nila itong ipinaglalaban.

"Hindi lahat ay mapapaligaya at mapapaamo ng
isang tao." Ang katotohanang nakapaloob sa kasabihang ito ay hindi maikakailang totoo sa sitwasyon ng ating bansa ngayon. Hindi naman kasi lahat ay sumasang-ayon sa proposisyong ipinasa ng ilan sa ating mga opisyal na ibig makuha ang kasaganahan sa kahit na anong paraan. Pinakaunang nagkunot ng noo ay ang Simbahan na hindi papatalo. Umapila sila laban sa ibig mangyari ng gobyerno. Ayon dito, mali ang paraang naisip ng ating mga opisyal. Hindi raw kasi ito makatarungan. Sagrado na raw kasi ang bagay na pinag-uusapan dito at mali ang naisip nilang paraan upang masolusyunan ang inaakala nilang pinakaangkop na solusyon para rito. Sino nga ba ang tama sa dalawa?

Kapag prinsipyo at praktikalidad na ang pinag-uusapan, hindi malayong marami ang martir na magsasabing prinsipyo pa rin ang kanilang pipiliin. Ngunit kapag ang isang tao'y lubusan na ang kahirapan hindi ba't umuusbong ang pagtaas ng krimen? Hindi ba't natural sa isang tao ang isipin lamang ang kanyang paggaling kaysa mga bagay-bagay ukol sa pulitika at iba pang para sa kanya'y hindi makapapantay sa kahalagahan ng kanyang buhay kapag siya'y may sakit? Pagkatapos ng napakahabang oras na pagbabasa at ika'y masyado nang inaantok at wala ng konseptong pumapasok sa iyong utak, hindi ba't ika'y natutulog na lamang?


May punto ang mga argumentong ito, ngunit kahit kailan kapag dinungisan mo ang iyong pagkatao, parang tinatanggap mo na rin na hindi ka na tao. Ano pa ang silbi ng pagkabuhay natin dito sa mundo kung hindi naman natin kaya ang matalo ang mga problemang katulad nito? Ang dapat nating gawin ay ang mabigyang solusyon ang mga problemang patuloy na sumusunod sa atin. Ngunit nararapat lamang na isaalang-alang natin ang paraan kung paano natin masosolusyunan ang mga ito. Tayo, bilang mga alagad ng Poong Maykapal na alam kung ano ang tama at mali, ay nakakikilatis na ang tamang paraan lamang ang ating dapat sundin upang mabuhay ng payapa at maligaya.


Hindi dapat na pabulaanan ang proposisyon ng gobyerno ngunit hindi rin naman makatarungang hayaan ang mga kabataan pati na rin ang nasa tamang gulang na gawin ang kanilang hindi makataong kagustuhan.

Miyerkules, Hulyo 30, 2008

Mga Paniniwala


Ang mga Ifugao ay may sariling mga paniniwala. Sila ay mayroong mga ritwal at mga panalanging kung tawagin nila ay baki. Lubos ang kanilang paniniwala sa mga diyos at diyosa, mga espiritu, aswang, demonyo at iba pa. Ang mga paniniwalang ito ay bunsod sa kanilang mga ninuno'ng nagturo sa kanila ukol sa mga bagay-bagay na ito. Kahit naniniwala sila sa mga ito, hindi naman nila sinasamba ang mga ito sa paniniwalang ang Mah-nongan ang siyang naglikha ng sanlibutan at lahat ng binubuo nito. Ang mga Ifugao ay naniniwala ring mayroong anim na rehiyong bumubuo ng sanlibutan: apat na rehiyon sa itaas ng mundo, isa sa ating mundo at ang pang-anim ay ang rehiyong nasa ilalim nito. Si Mah-nongan ang kinikilala nilang naglikha ng lahat. Mayroon ding mga diyos na ayon sa kanilang paniniwala ay kumakalaban sa kanilang diyos, sila ay sina Liddum, Punholdayan, Hinumbian, Ampual, Wigan, at Yogyog. Sila umano ang dahilan ng mga kahirapan at mga sakit ng Ifugao. Ang mga paniniwalang ito na may kasamang pag-aalay ng hayop at inumin ay mga "suhol" sa mga diyos at diyosa upang sila ay bigyang pabor sa kani-kanilang pamumuhay.
Dahil sa paniniwalang ilan sa mga diyos na ito ang sanhi ng kani-kanilang mga sakit, ang tanging solusyon lamang upang maiwasan ito ay ang bayaran sila sa pamamagitan ng mga pag-aalay. Ang mga panalangin ay pinangungunahan ng Mombaki at ang bilang ng mga manok o baboy na iaalay ay nakasalalay sa mga Ifugao. Kung sakali'ng hindi gumaling ang isang may sakit, mag-aalay muli ang mga Ifugao kung kakayanin ng mga Anasasangkot.

Ifugao: Sino Ka Nga Ba'ng Talaga?

Ang Ifugao ay sinasabing nagmula sa salitang "i-pugo" na nangangahulugang "mula sa lupa o burol". Ayon sa kanilang alamat, ang "Ifugao" ay hango sa salitang "ipugo". Ito ay isang butil ng bigas na ibinigay sa kanila ng kanilang bathala na si Matungulan. Hanggang sa kasalukuyan ay inaani pa rin ng mga Ifugao ang ganitong uri ng butil. Sa panahon ng mga Espanyol, pinalitan nila ang "Ipugo" at ginawang "Ipugaw". Makaraan ang ilang taon, sa pananakop ng mga Amerikano, binago nila ang "Ipugaw". Ginawa nila itong "Ifugao" at iyan na ang tawag sa kanila hanggang sa kasalukuyan.
Noong unang panahon, ang Ifugao ay bahagi lamang ng Mountain Province. Ito ay naging ganap lamang na lalawigan noong ika-18 ng Hunyo taong 1966. Matatagpuan sa mga hilagang bulubundukin ng Pilipinas ang tribong ito. May malawak na lugar ang lalawigang ito, humugit kumulang 1942.5 sq. km. Ang mga karatig lalawigan nito ay Bontoc (hilaga), Kankana-ey (kanluran), Gaddang (silangan) at Ikalahan at Iwak (timog). Ang lalawigang ito ay mayroong sampung munisipyo na binubuo ng Banaue, Hungduan, Kiangan, Lagawe, Lamut, Mayoyao, Potia, Hingyan, at Tinoc. Ang Lagawe ang sentro ng lalawigang ito.
Ang mga Ifugao ay mahahalintulad sa mga Asyano ngunit sila ay may mas maitim na balat. Ang mga lalaking Ifugao ay palaging mayroong dalang sandata. Ang mga Ifugao, babae man ito o lalaki, ay nagsusuot ng mga alahas sa katawan. Karaniwang gawa ito sa ginto, perlas at iba pang mga diamante.

Problema'ng Hinarap at Hinaharap




Ang panahon ngayon ang patuloy na nakapagbibigay problema sa mga Ifugao. Ang lupang kanilang tinitirhan ay hindi sapat para sa kanilang pagsasaka at hindi lamang ito ang kanilang kinakaharap: ganap pang madalas ang pagbisita ng mga bagyo at ang mga pag-guho ng lupa. Ang mga ito ay walang dudang balakid sa kanilang kaunlaran at iba pang mga nagaantay na oportunidad. Ang napakalungkot isipin ay ang katotohanang sila na ngayon ang naging pinakamahirap na tribo.
Ang kanilang paghihikahos kasama pa ang mataas na antas ng populasyon, mababang pagkilala sa kanila ang mga dahilan ng malalang problema sa kanilang kapaligiran at pati na rin ang mga problema ukol sa mataas na antas ng krimen at pang-aabuso sa pag-inom. Marami na sa kanila ang lumuluwas na ng Maynila at maging sa ibang bansa sa pag-asang magiging mas maunlad ang kanilang buhay.
Ang napakalaki at napakagandang Hagdan-Hagdang Palayang kanilang itinayo ay unti-unti nang naiibsan ng kagandahan. Marahil, dalawampung taon mula ngayon, mga litrato at libro na lamang ang makapagpapanatili ng ganda nito.

Matamis Na Tagumpay


Matapos ikasal noong 1975 sina Perfecto Sison Sr. at ang kanyang may-bahay na si Paz, nagpasya silang iwanan ang kanilang maliit na sakahan sa Kiangan, Ifugao. Upang makahanap ng suwerte, sila ay nakibahagi sa isang minanhan ng ginto sa kanilang lugar. Kabaliktaran ng kanilang inaasahan ang nangyari. Hindi sila sinuwerte sa minahan at sila ay naging magsasaka ng gulay na lamang. Pagkatapos lamang ng dalawang dekada bago nila narating ang tagumpay sa kanilang pamumuhay.
Sa loob ng labing dalawang taon mula ng lisanin nila ang Ifugao, ang mag-asawa ay nagdanas ng kahirapan at nagsikap silang makaahon sa pamamagitan ng pagsaka sa kanilang maliit na uma gamit ang kaingin farming. Sila ay nagtatanim at nag-aani ng mga gulay tulad ng Baguio beans at yellow corn. Ngunit matapos ipakilala ang “citrus farming” sa Malabing Valley noong 1987, nagkaroon ng malaking pagbabago sa pamumuhay ng daang-daan pamilya na nakatira sa Ifugao, Kalanguya, at Ilocos.
Noong una, hindi naniwala ang pamilya Sison na mabubuhay ang mga ganitong prutas sa kanilang lugar. Ngunit ito ay nabuhay at nagbunga ito ng isang malaking tagumpay. Pagkaraan ng sampung taon, ang pamilya Sison ay nagmamay-ari na ng sampung ektarya ng lupa sa Malabing Valley. Dahil sa tiyaga at sikap, nakamit hindi lamang ng pamilya Sison ang tagumpay pati rin ng iba pang magsasaka na nakatira roon.

Ang Malabing Valley ay tinaguriang Citrus Capital dahil sa humigit kumulang ng apat na raang magsasaka rito ay nagtatanim at nag-aani ng mga “citrus fruits” at halos 454 ektarya ang taniman ng ganitong prutas doon.