THOUSANDS OF FREE BLOGGER TEMPLATES

Sabado, Setyembre 13, 2008

Pluma

Kung maiikot lamang ang oras noong panahong bumisita si Dr. Pio Valenzuela sa Dapitan upang kausapin si Rizal tungkol sa rebolusyon at ipinagkaloob ng Poong Maykapal na sa oras na iyon ay ako ang papalit sa posisyon ni Rizal, wala akong hahalinhan sa kanyang sinagot. Sa maikling sabi, hindi ako sasang-ayon sa rebolusyong ibig nilang pangunahan kung ang ibig sabihin naman ng rebolusyung iyon ay pagsugal ng napakaraming buhay sa isang digmaang wala naman silang laban at walang katiyakan ang kalalabasan.


Sa puntong iyon, hindi pa handang makipaglaban ang mga Pilipino. Kulang ang kanilang armas at hindi nila kayang puksain ang mga Espanyol gamit ang bolo lamang. At naniniwala akong maaaring makamtan ang kalayaan ng hindi nagbubuwis ng napakaraming buhay. Ang mga buhay na iyon ay naging bahagi sana ng mas malaki pang karangalang makapagbabago at makapagpapabilis ng pag-unlad ng ating sibilisasyon. Malaya nga tayo ngayon, bunsod na rin marahil ng mapangahas na rebolusyong naganap noon; subalit, kung titingnan natin ang ating sitwasyon, hindi pa tayo tunay na malaya. Hindi pa natin kamit ang kalayaang matagal na nating inaasam-asam sapagkat wala pa rin ang pagkakaisang magbubuklod sa atin. Hiwa-hiwalay pa rin tayo at tulad ng dati, may sari-sariling mga grupo. Pilit nating hinahanap-hanap ang kalayaan ngunit pilit naman nating pinagpapangkat-pangkat ang ating mga sarili. Kahit saan ka man magpunta, hayag ang hindi pagkakabigkis nating mga Pilipino. Ang mga pangyayaring nagaganap ngayon sa timog bahagi ng ating bansa ang magpapatotoo sa nakalulunos na katotohanang ito. Patuloy ang pakikipagsapalaran ng ating mga Muslim na kababayan. Ilan kasi sa kanila ay umaayon sa pakikiisa sa gobyerno at ilan naman ay tumututol.

Tulad ni Rizal, malakas ang pananalig ko sa kapangyarihan ng edukasyon. Hindi dahas ang susi sa kalayaan kundi edukasyon. Ang tunay na kalayaan ay hindi matatagpuan sa kalayaang nakukuha sa pagkawala ng mga dayuhang may mga dalang armas na parating nakatutok sa kanilang sinasakupan. Ang tunay na kalayaan ay nasa puso, isip at pagkatao. Kahit sakupin man tayo ng buong mundo kung tayo’y malaya sa impluwensya nito, hindi tayo masasakop. Kung sa puso, isip at pagkatao nati'y tayo’y malaya at ramdam natin ang pagiging Pilipino, tayo’y tunay na malaya.

Ngayon, tayo man ay wala na sa matigas na pamumuno ng mga dayuhan sa nakaraan, tayo pa rin ay kanilang sakop. Ang ating gawi ang huhusga sa pagiging alipin pa rin natin sa nakaraan. Kunin na lamang natin ang reaksyon ng makabagong Pilipino kapag naririnig niya ang kanyang mahirap na kaibigang nangangarap tanghaling pinakamayaman sa buong mundo. Ambisyosa!. Ito ang unang salitang maririnig mo sa kanya. Ano’ng masama sa pangangarap? Ang pag-iisip natin ukol sa pagiging hambog kapag tayo’y nangangarap ay umugat sa pag-iisip ng mga Espanyol. Dinungisan nila ang tunay na ibig sabihin ng pangarap upang isipin nating tayo ay mababa at walang karapatang mangarap. Dahil dito, tayo pa rin ay nakakulong sa kanilang bakal na kamay. At taas noo nating ipinagmamalaking tayo ay malaya gayong ang tingin natin sa ating mga sarili ay pawang mga alipin lamang ng mga dayuhan.

Tanungin mo man ang tipikal na Pilipinong ang hilig ay paglalakbay kung anu-ano na ang mga lugar na kanyang nabisita, magugulat ka sa napakarami niyang babanggitin--Roma, Pransya, Amerika...--subalit 'ni isang lugar maliban sa lugar na kanyang kinalakihan ay wala kang maririnig na papuri o kaya'y kahit sambit lamang ng pangalan.

Ilan lamang sa aking binanggit ang napakarami pang katibayang tayo'y sakop pa rin.

Hindi naging epektibo ang pisikal na kalayaang nalikom natin mula sa pakikidigma dahil hanggang ngayon, tayo'y nakakulong pa rin. Nakita na natin ang ibinunga ng paraan ni Bonifacio, gawin naman natin ngayon ang paraan ni Rizal.