THOUSANDS OF FREE BLOGGER TEMPLATES

Sabado, Setyembre 13, 2008

Pluma

Kung maiikot lamang ang oras noong panahong bumisita si Dr. Pio Valenzuela sa Dapitan upang kausapin si Rizal tungkol sa rebolusyon at ipinagkaloob ng Poong Maykapal na sa oras na iyon ay ako ang papalit sa posisyon ni Rizal, wala akong hahalinhan sa kanyang sinagot. Sa maikling sabi, hindi ako sasang-ayon sa rebolusyong ibig nilang pangunahan kung ang ibig sabihin naman ng rebolusyung iyon ay pagsugal ng napakaraming buhay sa isang digmaang wala naman silang laban at walang katiyakan ang kalalabasan.


Sa puntong iyon, hindi pa handang makipaglaban ang mga Pilipino. Kulang ang kanilang armas at hindi nila kayang puksain ang mga Espanyol gamit ang bolo lamang. At naniniwala akong maaaring makamtan ang kalayaan ng hindi nagbubuwis ng napakaraming buhay. Ang mga buhay na iyon ay naging bahagi sana ng mas malaki pang karangalang makapagbabago at makapagpapabilis ng pag-unlad ng ating sibilisasyon. Malaya nga tayo ngayon, bunsod na rin marahil ng mapangahas na rebolusyong naganap noon; subalit, kung titingnan natin ang ating sitwasyon, hindi pa tayo tunay na malaya. Hindi pa natin kamit ang kalayaang matagal na nating inaasam-asam sapagkat wala pa rin ang pagkakaisang magbubuklod sa atin. Hiwa-hiwalay pa rin tayo at tulad ng dati, may sari-sariling mga grupo. Pilit nating hinahanap-hanap ang kalayaan ngunit pilit naman nating pinagpapangkat-pangkat ang ating mga sarili. Kahit saan ka man magpunta, hayag ang hindi pagkakabigkis nating mga Pilipino. Ang mga pangyayaring nagaganap ngayon sa timog bahagi ng ating bansa ang magpapatotoo sa nakalulunos na katotohanang ito. Patuloy ang pakikipagsapalaran ng ating mga Muslim na kababayan. Ilan kasi sa kanila ay umaayon sa pakikiisa sa gobyerno at ilan naman ay tumututol.

Tulad ni Rizal, malakas ang pananalig ko sa kapangyarihan ng edukasyon. Hindi dahas ang susi sa kalayaan kundi edukasyon. Ang tunay na kalayaan ay hindi matatagpuan sa kalayaang nakukuha sa pagkawala ng mga dayuhang may mga dalang armas na parating nakatutok sa kanilang sinasakupan. Ang tunay na kalayaan ay nasa puso, isip at pagkatao. Kahit sakupin man tayo ng buong mundo kung tayo’y malaya sa impluwensya nito, hindi tayo masasakop. Kung sa puso, isip at pagkatao nati'y tayo’y malaya at ramdam natin ang pagiging Pilipino, tayo’y tunay na malaya.

Ngayon, tayo man ay wala na sa matigas na pamumuno ng mga dayuhan sa nakaraan, tayo pa rin ay kanilang sakop. Ang ating gawi ang huhusga sa pagiging alipin pa rin natin sa nakaraan. Kunin na lamang natin ang reaksyon ng makabagong Pilipino kapag naririnig niya ang kanyang mahirap na kaibigang nangangarap tanghaling pinakamayaman sa buong mundo. Ambisyosa!. Ito ang unang salitang maririnig mo sa kanya. Ano’ng masama sa pangangarap? Ang pag-iisip natin ukol sa pagiging hambog kapag tayo’y nangangarap ay umugat sa pag-iisip ng mga Espanyol. Dinungisan nila ang tunay na ibig sabihin ng pangarap upang isipin nating tayo ay mababa at walang karapatang mangarap. Dahil dito, tayo pa rin ay nakakulong sa kanilang bakal na kamay. At taas noo nating ipinagmamalaking tayo ay malaya gayong ang tingin natin sa ating mga sarili ay pawang mga alipin lamang ng mga dayuhan.

Tanungin mo man ang tipikal na Pilipinong ang hilig ay paglalakbay kung anu-ano na ang mga lugar na kanyang nabisita, magugulat ka sa napakarami niyang babanggitin--Roma, Pransya, Amerika...--subalit 'ni isang lugar maliban sa lugar na kanyang kinalakihan ay wala kang maririnig na papuri o kaya'y kahit sambit lamang ng pangalan.

Ilan lamang sa aking binanggit ang napakarami pang katibayang tayo'y sakop pa rin.

Hindi naging epektibo ang pisikal na kalayaang nalikom natin mula sa pakikidigma dahil hanggang ngayon, tayo'y nakakulong pa rin. Nakita na natin ang ibinunga ng paraan ni Bonifacio, gawin naman natin ngayon ang paraan ni Rizal.

Ang Panambitan Ng Isang Rebolusyunaryo

Yaman din lamang at nakatakas tayo sa piitan ng nakaraan, sana’y huwag namang tayo mismo ang magkait sa kalayaang ito at magkulong sa ating mga sarili pabalik sa pinanggalingan nating iyon.

Oo nga’t matagumpay tayong tumalilis sa dilim ng nakaraan ngunit patuloy naman tayong tumatakbo; hindi alam kung saan patutungo; hindi alam kung sa kahuli-hulihan ba’y sa dilim pa rin pala ang hantungan; hindi alam kung kailan titigil sa walang-humpay na pagtatakbong ito.

Ligaw. Tayo ay ligaw sa kagubatang ito. Sino ang mag-aakalang sa bawat digmaan, hindi nagtatapos ang pakikipaglaban sa pagkapanalo ng pula at pagkatalo ng puti. At kung sakali mang makamit ng dalawa ang sariling kalayaan, hindi pa rin natatapos ang pakikipaglaban! Patuloy pa rin ang pakikibaka. Patuloy pa rin ang digmaan.

Pag-aaklas laban sa iba ang tawag sa digmaan noon; pag-aaklas naman laban sa sarili ang tawag sa digmaan ngayon.

Sa pakikidigma sa sarili pumapasok sa eksena ang pinakamamahal nating Inang Bayan, ang Pilipinas.

Pilipinas: aking lupang sinilangan; tahanan ng aking lahi. Ito ang ina’ng kumupkop at patuloy na kumukupkop sa akin kung kaya’t hinding-hindi ko pababayaang mapariwara at pagtakluban ito ng langit at lupa.

Malaya na ang ating bayan. Wala ng Hapon o kaya’y ‘Kano’ng umaabuso rito. Hindi na rin bukambibig ang salitang Indio. Wala na ang tahasang pang-aalipusta at pagmamaliit ng Espanyol. Hindi na rinig na rinig ang alingawngaw ng sigaw na sanhi ng pagmamaltrato at pang-aabuso ng mga Hapon sa mga kababaihan natin. Ngunit ano ba ang katotohanan? Malaya ang ating bayan subalit sa pisikal na aspeto lamang; ito ang katotohanan.

Tayo pa rin ay biktima ng pananakop. Tayo pa rin ay patuloy na hinuhubaran ng identidad. Pilipino nga ang namumuno sa atin ngunit Pilipinong isip Hapon at pusong ‘Kano naman! Pilipinong kaakibat ang panggawi ng mga Espanyol sa kanyang pamumuno! Pilipinong replika ni Aguinaldo! Pilipino nga ang namumuno sa atin ngunit Pilipino lamang dahil may maipapakitang kasulatang siya’y anak ng bayan! Ano ang kaibahan ‘nun sa pamumuno ng dayuhan?

Tayo pa rin ay sakop ng mga dayuhan sa isip at puso. Ang tunay na Pilipino ay siyang taong iaalay lahat at kung maaari pati na rin ang kanyang buhay para sa Pilipinas. Ang tunay na Pilipino’y yaong namumuno hindi para sa sariling kapakanan kundi para sa kanyang bayan. Ang tunay na Pilipino’y ang maka-Pilipinong hindi gagawa ng anumang makasasama at makasisira sa kanyang bayan. Lahat ng kanyang ginagawa ay para sa bayan. Walang sawa niya itong pinaglilingkuran. Bayan. Bayan. Bayan. Ang tunay na Pilipino’y hindi tulad ng mga namumuno sa atin ngayon.

Reporma! Ito ang hinaing ko. Reporma hindi sa gobyerno kundi sa tao. Kahit ilang beses natin palitan ang gobyerno, kung ang mga mamamalakad dito’y mga taong nagtatago pa rin sa anino ng nakaraan, hindi tayo uunlad. Kung magiging tunay na Pilipino lamang ang mga namumuno sa atin ngayon gaya ng tipo ng Pilipinong nabanggit ko, siguradong nakalabas na ang kanilang mga bulsa at payak lamang sila kung mamuhay sapagkat iaalay nila lahat pati na ang kanilang mga sarili, kung maaari, para sa bayan. ‘Panong hindi ito mangyayari kung ang adhikain ng bawat isa sa kanila ay ang mamuno para sa ikauunlad ng bayan at hindi sa ikauunlad ng kanilang mga sarili? Oo nga’t lumalakas ang ekonomiya ngunit hindi naman ito ramdam ng magtataho. Wala pa ring masulyapang pagkain sa hapag-kainan si Mang Juan. Ganoon pa rin ang kakarampot na kitang nakukuha ni Aling Juanita sa kanyang mga trabaho: paglalaba, pagbebenta ng sampaguita, pagtutulak ng kariton, pangangalkal ng basura, pagtatahi at kung anu-ano pang trabahong maaari niyang pasukan.

Tainga lamang pala ang nabubusog sa kwentong umuunlad na tayo. Para sa sikmura, pawang kasinungalingan lamang ang bumubuo sa salitang kaunlaran.

Mayaman ang Pilipinas! Walang hindi nakakaalam sa katotohanang ito. Maraming negosyante ang yumayaman dito, tayong mga Pilipino nga lamang ang hindi. Kaya nga marami-rami ring dayuhang namumuhunan sa mga negosyo rito dahil alam nilang malaki ang kikitain dito. Sino nga ba ang dadayo sa atin kung alam naman niyang wala siyang makukuha at mahirap lang ang bansang ito? Isipin mo nga ang napakaraming Instik na naninirahan dito, hindi ba’t karaniwang mayayamang negosyante ang mga ito?

Ngayon, kung mayaman ang Pilipinas, bakit marami pa ring Pilipinong mahirap? Walang naghihirap na Pilipinong hindi ibubunton ang sisi sa korapsyon. Pati nga mayayaman ay umaalma na sa sistema rito (maliban na lamang ang mga yumayaman dahil sa gawaing ito).

Korapsyon ang puno’t-dulo ng paghihikahos ng milyun-milyong Pilipino. Walang hindi nasaktan sa talim nitong sanhi ng pang-aabuso ng mga taong nakaluklok sa pamumuno ang hindi umaray at umalma laban dito. Nakakalungkot isiping, naging kalakip na ang krimeng ito sa pangaraw-araw na buhay ng napakaraming pinuno at kung minsan, pati na rin ng pinamumunuan.

Malala na ang sakit ng Pilipinas hinggil sa korapsyon. Isa itong sakit na nakahahawang maging pag-aaklas o pakikidigma ay hindi tumatalab. Kung baga sa ano’y gasgas na ang mga paraang ito. Kinakailangan na ng bagong gamot para sa ikagagaling ng bayang ito. Ang lunas? Reporma sa tao.